Mangangaral 1
  • 1 ¶ Ang mga salita ng Mangangaral, na anak ni David, hari sa Jerusalem.
  • 2 Walang kabuluhan ng mga walang kabuluhan, sabi ng Mangangaral; walang kabuluhan ng mga walang kabuluhan, lahat ay walang kabuluhan.
  • 3 Anong pakinabang mayroon ang tao sa lahat ng kaniyang gawa, na kaniyang ginagawa sa ilalim ng araw?
  • 4 Isang salin ng lahi ay yumayaon, at ibang salin ng lahi ay dumarating; nguni't ang lupa ay nananatili magpakailan man.
  • 5 Ang araw naman ay sumisikat, at ang araw ay lumulubog, at nagmamadali sa dakong sinisikatan nito.
  • 6 Ang hangin ay yumayaon sa dakong timugan, at pumipihit sa hilagaan: at laging pumipihit na patuloy, at ang hangin ay bumabalik uli ayon sa kaniyang pihit.
  • 7 Lahat ng mga ilog ay humuhugos sa dagat, gayon may hindi napupuno ang dagat; sa dakong hinuhugusan ng mga ilog, doon din nagsisihugos uli ang mga yaon.
  • 8 Lahat ng mga bagay ay puspos ng pagaalapaap; hindi maisasaysay ng tao: ang mata ay hindi nasisiyahan ng pagtingin, ni ang tainga man ay nasisiyahan sa pakikinig.
  • 9 Yaong nangyari ay siyang mangyayari; at yaong nagawa ay siyang magagawa: at walang bagong bagay sa ilalim ng araw.
  • 10 May bagay ba na masasabi ang mga tao, Tingnan mo, ito'y bago? nayari nga sa mga panahon na una sa atin.
  • 11 Walang alaala sa mga dating lahi; ni magkakaroon man ng alaala sa mga huling salin ng lahi na darating, sa mga yaon na darating pagkatapos.
  • 12 Akong Mangangaral ay naging hari sa Israel sa Jerusalem.
  • 13 At inihilig ko ang aking puso na hanapin at siyasatin sa pamamagitan ng karunungan ang lahat na nagawa sa silong ng langit: mahirap na pagdaramdam na ito ang ibinigay ng Dios sa mga anak ng mga tao, upang pagsanayan.
  • 14 Aking nakita ang lahat na gawa, na nagawa sa ilalim ng araw; at, narito, lahat ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala.
  • 15 Ang baluktot ay hindi matutuwid: at ang kulang ay hindi mabibilang.
  • 16 Ako'y sumangguni sa aking sariling puso, na sinasabi ko, Narito, nagtamo ako sa akin ng malaking karunungan ng higit kay sa lahat na nauna sa akin sa Jerusalem: oo, ang puso ko'y nagtaglay ng malaking kabihasnan sa karunungan at kaalaman.
  • 17 At inihilig ko ang aking puso na makaalam ng karunungan, at makaalam ng kaululan at ng kamangmangan: aking nahalata na ito man ay nauuwi sa wala.
  • 18 Sapagka't sa maraming karunungan at maraming kapanglawan: at siyang nananagana sa kaalaman ay nananagana sa kapanglawan.