Mateo 15
  • 1 Nang magkagayo'y nagsilapit kay Jesus na mula sa Jerusalem ang mga Fariseo at ang mga eskriba, na nagsisipagsabi,
  • 2 Bakit ang iyong mga alagad ay nagsisilabag sa sali't-saling sabi ng matatanda? sapagka't hindi sila nangaghuhugas ng kanilang mga kamay pagka nagsisikain sila ng tinapay.
  • 3 At siya'y sumagot at sinabi sa kanila, Bakit naman kayo'y nagsisilabag sa utos ng Dios dahil sa inyong sali't-saling sabi?
  • 4 Sapagka't sinabi ng Dios, Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina: at, Ang manungayaw sa ama at sa ina, ay mamatay siyang walang pagsala.
  • 5 Datapuwa't sinasabi ninyo, Sinomang magsabi sa kaniyang ama o sa kaniyang ina, Yaong mangyayaring pakinabangan mo sa akin ay hain ko na sa Dios:
  • 6 Ay hindi niya igagalang ang kaniyang ama. At niwalan ninyong kabuluhan ang salita ng Dios dahil sa inyong sali't-saling sabi.
  • 7 Kayong mga mapagpaimbabaw, mabuti ang pagkahula sa inyo ni Isaias, na nagsasabi,
  • 8 Ang bayang ito'y iginagalang ako ng kanilang mga labi; Datapuwa't ang kanilang puso ay malayo sa akin.
  • 9 Datapuwa't walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin, Na nagtuturo ng kanilang pinakaaral ang mga utos ng mga tao.
  • 10 At pinalapit niya sa kaniya ang karamihan, at sa kanila'y sinabi, Pakinggan ninyo, at unawain.
  • 11 Hindi ang pumapasok sa bibig ang siyang nakakahawa sa tao; kundi ang lumalabas sa bibig, ito ang nakakahawa sa tao.
  • 12 Nang magkagayo'y nagsilapit ang mga alagad, at sa kaniya'y sinabi, Nalalaman mo bagang nangagdamdam ang mga Fariseo, pagkarinig nila ng pananalitang ito?
  • 13 Datapuwa't sumagot siya at sinabi, Ang bawa't halamang hindi itinanim ng aking Ama na nasa kalangitan, ay bubunutin.
  • 14 Pabayaan ninyo sila: sila'y mga bulag na tagaakay. At kung ang bulag ay umakay sa bulag, ay kapuwa sila mangahuhulog sa hukay.
  • 15 At sumagot si Pedro, at sinabi sa kaniya, Ipaliwanag mo sa amin ang talinghaga.
  • 16 At sinabi niya, Kayo baga nama'y wala pa ring pagiisip?
  • 17 Hindi pa baga ninyo nalalaman, na ang anomang pumapasok sa bibig ay tumutuloy sa tiyan, at inilalabas sa daanan ng dumi?
  • 18 Datapuwa't ang mga bagay na lumalabas sa bibig ay sa puso nanggagaling; at siyang nangakakahawa sa tao.
  • 19 Sapagka't sa puso nanggagaling ang masasamang pagiisip, mga pagpatay, mga pangangalunya, pakikiapid, mga pagnanakaw, mga pagsaksi sa di katotohanan, mga pamumusong:
  • 20 Ito ang mga bagay na nangakakahawa sa tao; datapuwa't ang kumaing hindi maghugas ng mga kamay ay hindi makakahawa sa tao.
  • 21 At umalis doon si Jesus, at lumigpit sa mga sakop ng Tiro at Sidon.
  • 22 At narito, ang isang babaing Cananea na lumabas sa mga hangganang yaon, at nagsisigaw, na nagsasabi, Kahabagan mo ako, Oh Panginoon, ikaw na Anak ni David; ang aking anak na babae ay pinahihirapang lubha ng isang demonio.
  • 23 Datapuwa't siya'y hindi sumagot ng anomang salita sa kaniya. At nilapitan siya ng kaniyang mga alagad at siya'y pinamanhikan, na nangagsasabi, Paalisin mo siya; sapagka't nagsisisigaw siya sa ating hulihan.
  • 24 Datapuwa't siya'y sumagot at sinabi, Hindi ako sinugo kundi sa mga tupang nangaligaw sa bahay ni Israel.
  • 25 Datapuwa't lumapit siya at siya'y sinamba niya, na nagsasabi, Panginoon, saklolohan mo ako.
  • 26 At siya'y sumagot at sinabi, Hindi marapat na kunin ang tinapay sa mga anak at itapon sa mga aso.
  • 27 Datapuwa't sinabi niya, Oo, Panginoon: sapagka't ang mga aso man ay nagsisikain ng mga mumo na nangalalaglag mula sa dulang ng kanilang mga panginoon.
  • 28 Nang magkagayo'y sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, Oh babae, malaki ang pananampalataya mo: mangyari sa iyo ayon sa ibig mo. At gumaling ang kaniyang anak mula sa oras na yaon.
  • 29 At umalis si Jesus doon, at naparoon sa tabi ng dagat ng Galilea; at umahon sa bundok, at naupo doon.
  • 30 At lumapit sa kaniya ang lubhang maraming tao, na may mga pilay, mga bulag, mga pipi, mga pingkaw, at iba pang marami, at sila'y kanilang inilagay sa kaniyang mga paanan; at sila'y pinagaling niya:
  • 31 Ano pa't nangagtaka ang karamihan, nang mangakita nilang nangagsasalita ang mga pipi, nagsisigaling ang mga pingkaw, at nagsisilakad ang mga pilay, at nangakakakita ang mga bulag: at kanilang niluwalhati ang Dios ng Israel.
  • 32 At pinalapit ni Jesus sa kaniya ang kaniyang mga alagad, at sinabi, Nahahabag ako sa karamihan, sapagka't tatlong araw nang sila'y nagsisipanatili sa akin at wala silang makain: at di ko ibig na sila'y paalising nangagaayuno, baka sila'y manganglupaypay sa daan.
  • 33 At sa kaniya'y sinabi ng mga alagad, Saan tayo mangakakakuha rito sa ilang ng sapat na daming tinapay na makabubusog sa ganyang lubhang napakaraming tao?
  • 34 At sinabi ni Jesus sa kanila, Ilang tinapay mayroon kayo? At sinabi nila, Pito, at ilang maliliit na isda.
  • 35 At iniutos niya sa karamihan na magsiupo sa lupa;
  • 36 At kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda; at siya'y nagpasalamat at pinagputolputol, at ibinigay sa mga alagad, at ibinigay naman ng mga alagad sa mga karamihan.
  • 37 At nagsikain silang lahat, at nangabusog: at pinulot nila ang lumabis sa mga pinagputolputol, na pitong bakol na puno.
  • 38 At silang nagsikain ay apat na libong lalake, bukod ang mga babae at mga bata.
  • 39 At pinayaon niya ang mga karamihan at lumulan sa daong, at napasa mga hangganan ng Magdala.