Ruth 3
  • 1 At sinabi sa kaniya ni Noemi na kaniyang biyanan, Anak ko, hindi ba kita ihahanap ng kapahingahan, na ikabubuti mo?
  • 2 At ngayo'y wala ba rito si Booz na ating kamaganak, na ang kaniyang mga alila ay siya mong kinasama? Narito, kaniyang pahahanginan ang sebada ngayong gabi sa giikan.
  • 3 Maligo ka nga, at magpahid ka ng langis, at magbihis ka at bumaba ka sa giikan: nguni't huwag kang pakilala sa lalake, hanggang siya'y makakain at makainom.
  • 4 At mangyayari, paghiga niya, na iyong tatandaan ang dakong kaniyang hihigaan, at ikaw ay papasok, at iyong alisan ng takip ang kaniyang mga paa, at mahiga ka; at sasabihin niya sa iyo kung ano ang iyong gagawin.
  • 5 At sinabi niya sa kaniya, Lahat ng iyong sinasabi sa akin ay aking gagawin.
  • 6 At siya'y bumaba sa giikan, at ginawa niya ang ayon sa buong iniutos sa kaniya ng kaniyang biyanan.
  • 7 At nang si Booz ay makakain at makainom, at ang kaniyang puso'y maligayahan, siya'y yumaong nahiga sa dulo ng bunton ng trigo; at siya'y naparoong marahan, at inalisan ng takip ang kaniyang mga paa, at siya'y nahiga.
  • 8 At nangyari, sa hating gabi, na ang lalake ay natakot at pumihit: at, narito, isang babae ay nakahiga sa kaniyang paanan.
  • 9 At sinabi niya, Sino ka? At siya'y sumagot, Ako'y si Ruth, na iyong lingkod: iladlad mo nga ang iyong kumot sa iyong lingkod; sapagka't ikaw ay malapit na kamaganak.
  • 10 At kaniyang sinabi, Pagpalain ka nawa ng Panginoon, anak ko: ikaw ay nagpakita ng higit na kagandahang loob sa huli kay sa ng una, sa hindi mo pagsunod sa mga bagong tao maging sa dukha o sa mayaman.
  • 11 At ngayon, anak ko, huwag kang matakot; gagawin ko sa iyo ang lahat na iyong sinasabi, sapagka't buong bayan ng aking bayan ay nakakaalam na ikaw ay isang babaing may bait.
  • 12 At tunay nga na ako'y kamaganak na malapit; gayon man ay may kamaganak na lalong malapit kay sa akin.
  • 13 Maghintay ka ngayong gabi, at mangyayari sa kinaumagahan, na kung kaniyang tutuparin sa iyo ang bahagi ng pagkakamaganak, ay mabuti; gawin niya ang bahagi ng pagkakamaganak: nguni't kundi niya gagawin ang bahagi ng pagkakamaganak sa iyo, ay gagawin ko nga ang bahagi ng pagkakamaganak sa iyo, kung paano ang Panginoon ay nabubuhay: mahiga ka nga hanggang kinaumagahan.
  • 14 At siya'y nahiga sa kaniyang paanan hanggang kinaumagahan: at siya'y bumangong maaga bago magkakilala ang isa't isa. Sapagka't kaniyang sinabi, Huwag maalaman na ang babae ay naparoon sa giikan.
  • 15 At kaniyang sinabi, Dalhin mo rito ang balabal na nasa ibabaw mo at hawakan; at hinawakan niya; at siya'y tumakal ng anim na takal na sebada, at isinunong sa kaniya; at siya'y pumasok sa bayan.
  • 16 At nang siya'y pumaroon sa kaniyang biyanan, ay sinabi niya, Ano nga, anak ko? At isinaysay niya sa kaniya ang lahat na ginawa sa kaniya ng lalake.
  • 17 At sinabi niya, Ang anim na takal na sebadang ito ay ibinigay niya sa akin; sapagka't kaniyang sinabi, Huwag kang pumaroong walang dala sa iyong biyanan.
  • 18 Nang magkagayo'y sinabi niya, Maupo kang tahimik, anak ko, hanggang sa iyong maalaman kung paanong kararatnan ng bagay: sapagka't ang lalaking yaon ay hindi magpapahinga, hanggang sa kaniyang matapos ang bagay sa araw na ito.