1 Mga Taga-Corinto 16
  • 1 Ngayon tungkol sa ambagan sa mga banal, ay gawin din naman ninyong gaya ng iniutos ko sa mga iglesia ng Galacia.
  • 2 Tuwing unang araw ng sanglinggo ang bawa't isa sa inyo ay magbukod na magsimpan, ayon sa kaniyang iginiginhawa, upang huwag nang gumawa ng mga ambagan sa pagpariyan ko.
  • 3 At pagdating ko, ang sinomang inyong mamagalingin, ay sila ang aking susuguin na may mga sulat upang makapagdala ng inyong abuloy sa Jerusalem:
  • 4 At kung nararapat na ako naman ay pumaroon, sila'y isasama ko.
  • 5 Nguni't ako'y paririyan sa inyo, pagkaraan ko sa Macedonia; sapagka't magdaraan ako sa Macedonia;
  • 6 Datapuwa't marahil ako'y matitira sa inyo o makikisama sa inyo sa taginaw, upang ako'y tulungan ninyo sa aking paglalakbay saan man ako pumaroon.
  • 7 Sapagka't hindi ko ibig na kayo'y makita ngayon sa paglalakbay; sapagka't inaasahan kong ako'y makikisama sa inyong kaunting panahon, kung itutulot ng Panginoon.
  • 8 Datapuwa't ako'y titigil sa Efeso hanggang sa Pentecostes;
  • 9 Sapagka't sa akin ay nabuksan ang isang pintuang malaki at mapapakinabangan, at marami ang mga kaaway.
  • 10 Ngayon kung dumating si Timoteo, ingatan ninyo na siya'y mapasainyo na walang pangamba; sapagka't ginagawa niya ang gawain ng Panginoon, na gaya ko rin naman:
  • 11 Sinoman nga ay huwag humamak sa kaniya. Kundi tulungan ninyo siyang payapa sa kaniyang paglalakbay, upang siya'y makaparito sa akin: sapagka't inaasahan ko siya'y kasama ng mga kapatid.
  • 12 Nguni't tungkol sa kapatid na si Apolos, ay ipinamanhik ko sa kaniyang malabis na siya'y pumariyan sa inyong kasama ng mga kapatid: at sa anomang paraan ay hindi niya kalooban na pumariyan ngayon; nguni't paririyan pagkakaroon niya ng panahon.
  • 13 Magsipagingat kayo, mangagpakatibay kayo sa pananampalataya, kayo'y mangagpakalalake, kayo'y mangagpakalakas.
  • 14 Gawin ninyo sa pagibig ang lahat ninyong ginagawa.
  • 15 Ipinamamanhik ko nga sa inyo, mga kapatid (nalalaman ninyo na ang sangbahayan ni Estefanas ay siyang pangunahing bunga ng Acaya, at nangagsitalaga sa paglilingkod sa mga banal),
  • 16 Na kayo'y pasakop naman sa mga gayon, at sa bawa't tumutulong sa gawa at nagpapagal.
  • 17 At ikinagagalak ko ang pagdating ni Estefanas at ni Fortunato at ni Acaico: sapagka't ang kakulangan ninyo ay pinunan nila.
  • 18 Sapagka't inaliw nila ang aking espiritu at ang inyo: magsikilala nga kayo sa mga gayon.
  • 19 Binabati kayo ng mga iglesia sa Asia. Kayo'y binabating malabis sa Panginoon ni Aquila at ni Prisca pati ng iglesiang nasa kanilang bahay.
  • 20 Binabati kayo ng lahat ng mga kapatid. Kayo'y mangagbatian ng halik na banal.
  • 21 Ang bati ko, ni Pablo na sinulat ng aking sariling kamay.
  • 22 Kung ang sinoman ay hindi umiibig sa Panginoon, ay maging takuwil siya. Maranatha.
  • 23 Ang biyaya ng Panginoong Jesucristo ay sumainyo nawa.
  • 24 Ang aking pagibig kay Cristo Jesus ay sumainyo nawang lahat. Siya nawa.