2 Timoteo 3
  • 1 Datapuwa't alamin mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib.
  • 2 Sapagka't ang mga tao'y magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mayayabang, mga mapagmalaki, mapagtungayaw, masuwayin sa mga magulang, mga walang turing, mga walang kabanalan,
  • 3 Walang katutubong pagibig, mga walang paglulubag, mga palabintangin, mga walang pagpipigil sa sarili, mga mabangis, hindi mga maibigin sa mabuti,
  • 4 Mga lilo, mga matitigas ang ulo, mga palalo, mga maibigin sa kalayawan kay sa mga maibigin sa Dios;
  • 5 Na may anyo ng kabanalan, datapuwa't tinanggihan ang kapangyarihan nito: lumayo ka rin naman sa mga ito.
  • 6 Sapagka't sa mga ito ang nanganggagapang sa mga bahay, at binibihag ang babaing haling na lipos ng mga kasalanan, hinihila ng mga iba't ibang pita,
  • 7 Na laging nagsisipagaral, at kailan pa man ay hindi nakararating sa pagkaalam ng katotohanan.
  • 8 At kung paanong si Janes at si Jambres ay nagsilaban kay Moises, ay gayon din naman ang mga ito'y nagsisilaban sa katotohanan; mga taong masasama ang pagiisip, mga itinakuwil tungkol sa pananampalataya.
  • 9 Nguni't sila'y hindi mangagpapatuloy: sapagka't mangahahayag sa lahat ng mga tao ang kanilang kamangmangan, gaya naman ng pagkahayag ng sa mga yaon.
  • 10 Nguni't sinunod mo ang aking aral, ugali, akala, pananampalataya, pagpapahinuhod, pagibig, pagtitiis,
  • 11 Mga paguusig, mga pagbabata; anomang mga bagay ang nangyari sa akin sa Antioquia, sa Iconio, sa Listra; anomang mga paguusig ang tiniis ko: at sa lahat ay iniligtas ako ng Panginoon.
  • 12 Oo, at lahat na ibig mabuhay na may kabanalan kay Cristo Jesus ay mangagbabata ng paguusig.
  • 13 Datapuwa't ang masasamang tao at mga magdaraya ay lalong sasama ng sasama, na mangagdadaya, at sila rin ang mangadadaya.
  • 14 Datapuwa't manatili ka sa mga bagay na iyong pinagaralan at sa pinagkaroonan mo ng katunayan, yamang nalalaman mo kung kanino mo nangatutuhan;
  • 15 At mula sa pagkasanggol ay iyong nalalaman ang mga banal na kasulatan na makapagpadunong sa iyo sa ikaliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus.
  • 16 Ang lahat ng mga kasulatan na kinasihan ng Dios ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran:
  • 17 Upang ang tao ng Dios ay maging sakdal, tinuruang lubos sa lahat ng mga gawang mabuti.