Mga Panaghoy 3
  • 1 Ako ang tao na nakakita ng pagdadalamhati sa pamalo ng iyong poot.
  • 2 Ako'y kaniyang pinatnubayan at pinalakad sa kadiliman, at hindi sa liwanag.
  • 3 Tunay na laban sa akin ay kaniyang iginagalaw ang kaniyang kamay na muli't muli buong araw.
  • 4 Ang aking laman at aking balat ay pinatanda niya; kaniyang binali ang aking mga buto.
  • 5 Ako'y kinalaban niya, at kinulong ako ng hirap at pagdaramdam.
  • 6 Kaniyang pinatahan ako sa mga madilim na dako, gaya ng nangamatay nang malaon.
  • 7 Kaniyang binakuran ako na anopa't ako'y hindi makalabas; kaniyang pinabigat ang aking tanikala.
  • 8 Oo, pagka ako'y dumadaing, at humihinging tulong, kaniyang pinagsasarhan ang aking daing.
  • 9 Kaniyang binakuran ang aking mga daan ng tinabas na bato, kaniyang iniliko ang aking mga landas.
  • 10 Siya'y parang oso na nagaabang sa akin, parang leon sa mga kubling dako.
  • 11 Kaniyang iniligaw ang aking mga lakad, at ako'y pinagwaraywaray niya; kaniyang ipinahamak ako;
  • 12 Kaniyang iniakma ang kaniyang busog, at ginawa akong pinaka tanda sa pana.
  • 13 Ang mga pana ng kaniyang lalagyan ng pana ay kaniyang isinasaksak sa aking mga bato ng katawan.
  • 14 Ako'y naging kakutyaan sa aking buong bayan, at kanilang awit buong araw.
  • 15 Kaniyang pinuspos ako ng kapanglawan, kaniyang sinuya ako ng ajenjo.
  • 16 Kaniya namang biningot ang aking mga ngipin ng mga maliliit na grava; kaniyang tinabunan ako ng mga abo.
  • 17 At iyong inilayo ang aking kaluluwa sa kapayapaan; ako'y nakalimot ng kaginhawahan.
  • 18 At aking sinabi, Ang lakas ko'y nawala, at ang aking pagasa sa Panginoon.
  • 19 Alalahanin mo ang aking pagdadalamhati at ang aking karalitaan, ang ajenjo at ng apdo.
  • 20 Ang kaluluwa ko'y naaalaala pa nila, at napangumbaba sa loob ko.
  • 21 Ito ang ginugunita ko sa aking pagiisip; kaya't may pagasa ako.
  • 22 Sa mga kaawaan nga ng Panginoon ay hindi tayo nalipol, sapagka't ang kaniyang mga habag ay hindi nauubos.
  • 23 Ang mga yao'y bago tuwing umaga, dakila ang inyong pagtatapat.
  • 24 Ang Panginoon ay aking bahagi, sabi ng aking kaluluwa; kaya't ako'y aasa sa kaniya.
  • 25 Ang Panginoon ay mabuti sa kanila na nangaghihintay sa kaniya, sa kaluluwa na humahanap sa kaniya.
  • 26 Mabuti nga na ang tao ay umasa at maghintay na tahimik sa pagliligtas ng Panginoon.
  • 27 Mabuti nga sa tao na magpasan ng pamatok sa kaniyang kabataan.
  • 28 Maupo siyang magisa at tumahimik, sapagka't kaniyang iniatang sa kaniya.
  • 29 Sumubsob siya sa alabok, kung gayo'y magkakaroon siya ng pagasa.
  • 30 Ibigay niya ang kaniyang pisngi sa sumasakit sa kaniya; mapuspos siya ng kadustaan.
  • 31 Sapagka't ang Panginoon ay hindi magtatakuwil magpakailan man.
  • 32 Sapagka't bagaman siya'y nagpapapanglaw, gayon ma'y magpapakita siya ng habag ayon sa kasaganaan ng kaniyang mga kaawaan.
  • 33 Sapagka't siya'y hindi kusang dumadalamhati, o nagpapapanglaw man sa mga anak ng mga tao.
  • 34 Na yapakan sa ilalim ng paa ang lahat ng bihag sa lupa.
  • 35 Na iliko ang matuwid ng tao sa harap ng mukha ng Kataastaasan,
  • 36 Na iligaw ang tao sa kaniyang usap, hindi kinalulugdan ng Panginoon.
  • 37 Sino siya na nagsasabi, at nangyayari, kung hindi iniuutos ng Panginoon?
  • 38 Hindi baga sa bibig ng Kataastaasan nanggagaling ang masama't mabuti?
  • 39 Bakit dumadaing ang taong may buhay, ang tao dahil sa parusa sa kaniyang mga kasalanan?
  • 40 Ating usisain at suriin ang ating mga lakad, at manumbalik sa Panginoon.
  • 41 Igawad natin ang ating puso sangpu ng ating mga kamay sa Dios sa langit.
  • 42 Kami ay sumalangsang at nanghimagsik; ikaw ay hindi nagpatawad.
  • 43 Tinakpan mo ang iyong sarili ng galit at hinabol mo kami; ikaw ay pumatay, ikaw ay hindi naawa.
  • 44 Tinakpan mo ang iyong sarili ng alapaap, na anopa't hindi makadaan ang anomang panalangin.
  • 45 Iyong ginawa kaming parang tapon at dumi sa gitna ng mga bayan.
  • 46 Ibinukang maluwang ng lahat naming kaaway ang kanilang bibig laban sa amin.
  • 47 Takot at ang hukay ay dumating sa amin, ang pagkasira at pagkagiba.
  • 48 Ang mata ko'y dumadaloy ng mga ilog ng tubig, dahil sa pagkapahamak ng anak na babae ng aking bayan.
  • 49 Ang mata ko'y dinadaluyan at hindi naglilikat, na walang pagitan.
  • 50 Hanggang sa ang Panginoon ay tumungo, at tumingin mula sa langit.
  • 51 Kinikilos ng aking mata ang aking kaluluwa, dahil sa lahat na anak na babae ng aking bayan.
  • 52 Lubha nila akong hinahabol na parang ibon, na mga kaaway kong walang kadahilanan.
  • 53 Kanilang pinaikli ang aking buhay sa bilangguan at hinagis ako ng bato.
  • 54 Tubig ay nagsisihuho sa aking ulo; aking sinabi, Ako'y nahiwalay.
  • 55 Ako'y tumawag sa iyong pangalan, Oh Panginoon, mula sa kababababaang hukay.
  • 56 Iyong dininig ang aking tinig; huwag mong ikubli ang iyong pakinig sa aking hingal, sa aking daing.
  • 57 Ikaw ay lumapit sa araw na ako'y tumawag sa iyo; iyong sinabi, Huwag kang matakot.
  • 58 Oh Panginoon, iyong ipinagsanggalang ang mga usap ng aking kaluluwa; iyong tinubos ang aking buhay.
  • 59 Oh Panginoon, iyong nakita ang aking pagkakamali; hatulan mo ang aking usap.
  • 60 Iyong nakita ang lahat nilang panghihiganti, at ang lahat nilang pasiya laban sa akin.
  • 61 Iyong narinig ang kanilang pagduwahagi, Oh Panginoon, at lahat nilang pasiya laban sa akin,
  • 62 Ang mga labi ng nagsisibangon laban sa akin, at ang kanilang pasiya laban sa akin buong araw.
  • 63 Masdan mo ang kanilang pagupo, at ang kanilang pagtayo; ako ang kanilang awit.
  • 64 Ikaw ay magbibigay sa kanila ng kagantihan, Oh Panginoon, ayon sa gawa ng kanilang mga kamay.
  • 65 Iyong papagmamatigasin ang kanilang puso, ang iyong sumpa sa kanila.
  • 66 Iyong hahabulin sila sa galit, at iyong lilipulin sila mula sa silong ng langit ng Panginoon.