Mga Kawikaan 2
Wikang Tagalog Ang Banal na Bibliya · 22 verses
- 1 Anak ko, kung iyong tatanggapin ang aking mga salita, at tataglayin mo ang aking mga utos;
- 2 Na anopa't iyong ikikiling ang iyong pakinig sa karunungan, at ihihilig mo ang iyong puso sa pagunawa;
- 3 Oo, kung ikaw ay dadaing ng pagbubulay, at itataas mo ang iyong tinig sa pagunawa;
- 4 Kung iyong hahanapin siya na parang pilak, at sasaliksikin mo siyang parang kayamanang natatago.
- 5 Kung magkagayo'y iyong mauunawa ang pagkatakot sa Panginoon, at masusumpungan mo ang kaalaman ng Dios.
- 6 Sapagka't ang Panginoon ay nagbibigay ng karunungan, sa kaniyang bibig nanggagaling ang kaalaman at kaunawaan:
- 7 Kaniyang pinapagtataglay ang matuwid ng magaling na karunungan, siya'y kalasag sa nagsisilakad sa pagtatapat;
- 8 Upang kaniyang mabantayan ang mga landas ng kahatulan, at maingatan ang daan ng kaniyang mga banal.
- 9 Kung magkagayo'y mauunawa mo ang katuwiran at ang kahatulan, at ang karampatan, oo, bawa't mabuting landas.
- 10 Sapagka't karunungan ay papasok sa iyong puso, at kaalaman ay magiging ligaya sa iyong kaluluwa;
- 11 Kabaitan ay magbabantay sa iyo, pagkaunawa ay magiingat sa iyo:
- 12 Upang iligtas ka sa daan ng kasamaan, sa mga taong nagsisipagsalita ng mga masamang bagay;
- 13 Na nagpapabaya ng mga landas ng katuwiran, upang magsilakad sa mga daan ng kadiliman;
- 14 Na nangagagalak na magsigawa ng kasamaan, at nangaaaliw sa mga karayaan ng kasamaan,
- 15 Na mga liko sa kanilang mga lakad, at mga suwail sa kanilang mga landas:
- 16 Upang iligtas ka sa masamang babae, sa makatuwid baga'y sa di kilala na nanghahalina ng kaniyang mga salita;
- 17 Na nagpapabaya sa kaibigan ng kaniyang kabataan, at lumilimot ng tipan ng kaniyang Dios:
- 18 Sapagka't ang kaniyang bahay ay kumikiling sa kamatayan, at ang kaniyang mga landas na sa patay:
- 19 Walang naparoroon sa kaniya na bumabalik uli, ni kanila mang tinatamo ang mga landas ng buhay:
- 20 Upang ikaw ay makalakad ng lakad ng mabubuting tao, at maingatan ang mga landas ng matuwid.
- 21 Sapagka't ang matuwid ay tatahan sa lupain, at ang sakdal ay mamamalagi roon.
- 22 Nguni't ang masama ay mahihiwalay sa lupain, at silang nagsisigawang may karayaan ay mangabubunot.