Mga Kawikaan 23
  • 1 Pagka ikaw ay nauupong kumain na kasalo ng isang pangulo, kilanlin mong maigi siya na nasa harap mo;
  • 2 At maglagay ka ng sundang sa iyong lalamunan, kung ikaw ay taong bigay sa pagkain.
  • 3 Huwag kang mapagnais ng kaniyang mga masarap na pagkain; yamang mga marayang pagkain.
  • 4 Huwag kang mainip sa pagyaman; tumigil ka sa iyong sariling karunungan.
  • 5 Iyo bang itititig ang iyong mga mata sa wala? Sapagka't ang mga kayamanan, ay tunay na nagsisipagpakpak, gaya ng aguila na lumilipad sa dakong langit.
  • 6 Huwag mong kanin ang tinapay niya na may masamang mata, ni nasain mo man ang kaniyang mga masarap na pagkain:
  • 7 Sapagka't kung ano ang iniisip niya sa loob niya, ay gayon siya: kumain ka at uminom ka, sabi niya sa iyo; nguni't ang puso niya ay hindi sumasaiyo.
  • 8 Ang subo na iyong kinain ay iyong isusuka, at iyong iwawala ang iyong mga matamis na salita.
  • 9 Huwag kang magsalita sa pakinig ng mangmang; sapagka't kaniyang hahamakin ang karunungan ng iyong mga salita.
  • 10 Huwag mong baguhin ang dating muhon ng lupa; at huwag mong pasukin ang mga bukid ng ulila:
  • 11 Sapagka't ang kanilang Manunubos ay malakas; ipaglalaban niya ang kanilang usap sa iyo.
  • 12 Ihilig mo ang iyong puso sa turo, at ang iyong mga pakinig sa mga salita ng kaalaman.
  • 13 Huwag mong ipagkait ang saway sa bata: sapagka't kung iyong hampasin siya ng pamalo, siya'y hindi mamamatay.
  • 14 Iyong hahampasin siya ng pamalo, at ililigtas mo ang kaniyang kaluluwa sa Sheol.
  • 15 Anak ko, kung ang iyong puso ay magpakapantas, ang puso ko'y matutuwa sa makatuwid baga'y ang akin:
  • 16 Oo, ang aking puso ay magagalak pagka ang iyong mga labi ay nangagsasalita ng matuwid na mga bagay.
  • 17 Huwag managhili ang iyong puso sa mga makasalanan: kundi lumagay ka sa Panginoon buong araw:
  • 18 Sapagka't tunay na may kagantihan; at ang iyong pagasa ay hindi mahihiwalay.
  • 19 Makinig ka, anak ko, at ikaw ay magpakapantas, at patnubayan mo ang iyong puso sa daan.
  • 20 Huwag kang mapasama sa mga mapaglango; sa mga mayamong mangangain ng karne:
  • 21 Sapagka't ang manglalasing at ang mayamo ay darating sa karalitaan: at ang antok ay magbibihis sa tao ng pagkapulubi.
  • 22 Dinggin mo ang iyong ama na naging anak ka, at huwag mong hamakin ang iyong ina kung siya'y tumanda.
  • 23 Bumili ka ng katotohanan at huwag mong ipagbili: Oo karunungan, at turo, at pag-uunawa.
  • 24 Ang ama ng matuwid ay magagalak na lubos: at siyang nagkaanak ng pantas na anak ay magagalak sa kaniya.
  • 25 Mangatuwa ang iyong ama at ang iyong ina, at magalak siyang nanganak sa iyo.
  • 26 Anak ko, ibigay mo sa akin ang iyong puso, at malugod ang iyong mga mata sa aking mga daan.
  • 27 Sapagka't ang isang patutot ay isang malalim na lubak; at ang babaing di kilala ay makipot na lungaw.
  • 28 Oo, siya'y bumabakay na parang tulisan, at nagdaragdag ng mga magdaraya sa gitna ng mga tao.
  • 29 Sinong may ay? sinong may kapanglawan? sinong may pakikipagtalo? sinong may daing? sino ang may sugat na walang kadahilanan? sino ang may maningas na mata?
  • 30 Silang nangaghihintay sa alak; silang nagsisiyaon upang humanap ng pinaghalong alak.
  • 31 Huwag kang tumingin sa alak pagka mapula, pagka nagbibigay ng kaniyang kulay sa saro,
  • 32 Sa huli ay kumakagat ito na parang ahas, at tumutukang parang ulupong.
  • 33 Ang iyong mga mata ay titingin ng mga katuwang bagay, at ang iyong puso ay nagbabadya ng mga magdarayang bagay.
  • 34 Oo, ikaw ay magiging parang nahihiga sa gitna ng dagat, o parang nahihiga sa dulo ng isang palo ng sasakyan.
  • 35 Kanilang pinalo ako, iyong sasalitain, at hindi ako nasaktan; kanilang hinampas ako, at hindi ko naramdaman: kailan gigising ako? aking hahanapin pa uli.