Mga Kawikaan 31
Wikang Tagalog Ang Banal na Bibliya · 31 verses
- 1 Ang mga salita ng haring Lemuel; ang sanggunian na itinuro sa kaniya ng kaniyang ina.
- 2 Ano anak ko? at ano, Oh anak ng aking bahay-bata? At ano, Oh anak ng aking mga panata?
- 3 Huwag mong ibigay ang iyong kalakasan sa mga babae, o ang iyo mang mga lakad sa lumilipol ng mga hari.
- 4 Hindi sa mga hari, Oh Lemuel, hindi sa mga hari ang paginom ng alak; ni sa mga pangulo man, na magsabi, saan nandoon ang matapang na alak?
- 5 Baka sila'y uminom, at makalimotan ang kautusan, at humamak ng kahatulan sa sinomang nagdadalamhati.
- 6 Bigyan mo ng matapang na inumin siya na handang manaw, at ng alak ang mapanglaw na loob.
- 7 Uminom siya at limutin niya ang kaniyang kahirapan, at huwag nang alalahanin pa ang kaniyang karalitaan.
- 8 Bukhin mo ang iyong bibig sa pipi, sa bagay ng lahat ng naiwang walang kandili.
- 9 Bukhin mo ang iyong bibig, humatol ka ng katuwiran, at mangasiwa ka ng kahatulan sa dukha at mapagkailangan.
- 10 Isang mabait na babae sinong makakasumpong? Sapagka't ang kaniyang halaga ay higit na makapupo kay sa mga rubi.
- 11 Ang puso ng kaniyang asawa ay tumitiwala sa kaniya, at siya'y hindi kukulangin ng pakinabang.
- 12 Gumagawa siya ng mabuti sa kaniya at hindi kasamaan lahat ng mga kaarawan ng kaniyang buhay.
- 13 Siya'y humahanap ng balahibo ng tupa at lino, at gumagawang kusa ng kaniyang mga kamay.
- 14 Siya'y parang mga sasakyang dagat ng kalakal; nagdadala siya ng kaniyang pagkain mula sa malayo.
- 15 Siya'y bumabangon naman samantalang gabi pa, at nagbibigay ng pagkain sa kaniyang sangbahayan, at ng kanilang gawain sa kaniyang alilang babae.
- 16 Kaniyang minamasdan ang bukid at binibili: sa pamamagitan ng kaniyang kamay ay nagtatanim siya ng ubasan.
- 17 Binibigkisan niya ang kaniyang mga balakang ng kalakasan, at nagpapalakas ng kaniyang mga bisig.
- 18 Kaniyang namamalas na ang kaniyang kalakal ay makikinabang: ang kaniyang ilaw ay hindi namamatay sa gabi.
- 19 Kaniyang itinangan ang kaniyang mga kamay sa panulid, at ang kaniyang mga kamay ay humahawak ng panghabi.
- 20 Iginagawad niya ang kaniyang kamay sa dukha: Oo, iniaabot niya ang kaniyang mga kamay sa mapagkailangan.
- 21 Hindi niya ikinatatakot ang kaniyang sangbahayan sa niebe; sapagka't ang boo niyang sangbahayan ay nakapanamit ng mapulang mapula.
- 22 Gumagawa siya sa ganang kaniya ng mga unang may burda; ang kaniyang pananamit ay mainam na kayong lino at ng kayong kulay ube.
- 23 Ang kaniyang asawa ay kilala sa mga pintuang-bayan, pagka siya'y nauupo sa kasamahan ng mga matanda ng lupain.
- 24 Gumagawa siya ng mga kasuutang kayong lino at ipinagbibili; at nagbibigay ng mga pamigkis sa mga mangangalakal.
- 25 Kalakasan at kamahalan ay siyang kaniyang suot. At kaniyang tinatawanan ang panahong darating.
- 26 Binubuka niya ang kaniyang bibig na may karunungan; at ang kautusan ng kagandahang-loob ay nasa kaniyang dila.
- 27 Kaniyang tinitignang mabuti ang mga lakad ng kaniyang sangbahayan, at hindi kumakain ng tinapay ng katamaran.
- 28 Nagsisibangon ang kaniyang mga anak, at tinatawag siyang mapalad; gayon din ang kaniyang asawa, at pinupuri siya niya, na sinasabi:
- 29 Maraming anak na babae ay nagsisigawang may kabaitan, nguni't ikaw, ay humihigit sa kanilang lahat.
- 30 Ang lingap ay magdaraya, at ang kagandahan ay walang kabuluhan: nguni't ang babae na natatakot sa Panginoon, ay siya'y pupurihin.
- 31 Bigyan ninyo siya ng bunga ng kaniyang mga kamay; at purihin siya ng kaniyang mga gawa sa mga pintuang-bayan.