Job 21
  • 1 Nang magkagayo'y sumagot si Job, at nagsabi,
  • 2 Pakinggan ninyong mainam ang aking pananalita; at ito'y maging inyong mga kaaliwan.
  • 3 Pagdalitaan ninyo ako, at ako nama'y magsasalita, at pagkatapos na ako'y makapagsalita, ay manuya kayo.
  • 4 Tungkol sa akin, ay sa tao ba ang aking daing? At bakit hindi ako maiinip?
  • 5 Tandaan ninyo ako, at matigilan kayo. At ilagay ninyo ang inyong kamay sa inyong bibig,
  • 6 Pagka aking naaalaala nga ay nababagabag ako, at kikilabutan ang humahawak sa aking laman.
  • 7 Bakit nabubuhay ang masama, nagiging matanda, oo, nagiging malakas ba sa kapangyarihan?
  • 8 Ang kanilang binhi ay natatatag nakasama nila sa kanilang paningin, at ang kanilang mga suwi ay nasa harap ng kanilang mga mata.
  • 9 Ang kanilang mga bahay ay tiwasay na walang takot, kahit ang pamalo man ng Dios ay wala sa kanila.
  • 10 Ang kanilang baka ay naglilihi, at hindi nababaog; ang kanilang baka ay nanganganak, at hindi napapahamak ang kaniyang guya.
  • 11 Kaniyang inilabas ang kanilang mga bata na gaya ng kawan, at ang kanilang mga anak ay nangagsasayawan,
  • 12 Sila'y nangagaawitan na katugma ng pandereta at alpa, at nangagkakatuwa sa tunog ng plauta.
  • 13 Kanilang ginugugol ang kanilang mga kaarawan sa kaginhawahan, at sa isang sandali ay nagsisilusong sila sa Sheol.
  • 14 At sinasabi nila sa Dios: Lumayo ka sa amin; sapagka't hindi namin ninanasa ang pagkaalam ng inyong mga lakad.
  • 15 Ano ang Makapangyarihan sa lahat na siya'y paglilingkuran namin? At anong pakinabang magkakaroon kami, kung kami ay magsidalangin sa kaniya?
  • 16 Narito, ang kanilang kaginhawahan ay wala sa kanilang kamay: ang payo ng masama ay malayo sa akin.
  • 17 Gaano kadalas pinapatay ang ilawan ng masama? Na ang kanilang kapahamakan ay dumarating ba sa kanila? Na nagbabahagi ba ang Dios ng mga kapanglawan sa kaniyang galit?
  • 18 Na sila'y gaya ng dayami sa harap ng hangin, at gaya ng ipa na tinatangay ng bagyo?
  • 19 Inyong sinasabi, Inilalapat ng Dios ang kaniyang parusa sa kaniyang mga anak. Gantihin sa kaniyang sarili upang maalaman niya.
  • 20 Makita ng kaniyang mga mata ang kaniyang pagkagiba, at uminom siya ng poot ng Makapangyarihan sa lahat.
  • 21 Sapagka't anong kasayahan magkakaroon siya sa kaniyang bahay pagkamatay niya, pagka ang bilang ng kaniyang mga buwan ay nahiwalay sa gitna?
  • 22 May makapagtuturo ba ng kaalaman sa Dios? Dangang kaniyang hinahatulan yaong nangasa mataas.
  • 23 Isa'y namamatay sa kaniyang lubos na kalakasan, palibhasa't walang bahala at tahimik:
  • 24 Ang kaniyang mga suso ay puno ng gatas, at ang utak ng kaniyang mga buto ay halumigmig.
  • 25 At ang iba'y namamatay sa paghihirap ng kaluluwa, at kailan man ay hindi nakakalasa ng mabuti.
  • 26 Sila'y nahihigang magkakasama sa alabok, at tinatakpan sila ng uod.
  • 27 Narito, aking nalalaman ang inyong pagiisip, at ang mga maling haka ng inyong inaakala laban sa akin.
  • 28 Sapagka't inyong sinasabi, Saan naroon ang bahay ng prinsipe? At saan naroon ang tolda na tinatahanan ng masama?
  • 29 Hindi ba ninyo itinanong sa kanilang nangagdadaan? At hindi ba ninyo nalalaman ang kanilang mga pinagkakakilanlan?
  • 30 Na ang masamang tao ay natataan sa kaarawan ng kasakunaan? Na sila'y pinapatnubayan sa kaarawan ng kapootan?
  • 31 Sinong magpapahayag ng kaniyang lakad sa kaniyang mukha? At sinong magbabayad sa kaniya ng kaniyang ginawa?
  • 32 Gayon ma'y dadalhin siya sa libingan, at magbabantay ang mga tao sa libingan.
  • 33 Ang mga bugal ng libis ay mamabutihin niya, at lahat ng tao ay magsisisunod sa kaniya, gaya ng nauna sa kaniya na walang bilang.
  • 34 Paano ngang inyong aaliwin ako ng walang kabuluhan, dangang sa inyong mga sagot ang naiiwan lamang ay kabulaanan?