Job 22
  • 1 Nang magkagayo'y sumagot si Eliphaz na Temanita, at nagsabi,
  • 2 Mapapakinabangan ba ang tao ng Dios? Tunay na siyang pantas ay nakikinabang sa kaniyang sarili.
  • 3 May kasayahan ba sa Makapangyarihan sa lahat na ikaw ay matuwid? O may pakinabang ba sa kaniya na iyong pinasasakdal ang iyong mga lakad?
  • 4 Dahil ba sa iyong takot sa kaniya na kaniyang sinasaway ka, na siya'y pumasok sa iyo sa kahatulan?
  • 5 Hindi ba malaki ang iyong kasamaan? Ni wala mang anomang wakas sa iyong mga kasamaan.
  • 6 Sapagka't ikaw ay kumuha ng sangla ng iyong kapatid sa wala, at iyong hinubdan ng kanilang suot ang hubad.
  • 7 Ikaw ay hindi nagbigay ng tubig sa pagod upang uminom, at ikaw ay nagkait ng tinapay sa gutom.
  • 8 Nguni't tungkol sa makapangyarihang tao, siya'y nagtatangkilik ng lupa; at ang marangal na tao, ay tumatahan doon.
  • 9 Iyong pinayaong walang dala ang mga babaing bao, at ang mga kamay ng ulila ay nangabali.
  • 10 Kaya't ang mga silo ay nangasa palibot mo, at biglang takot ay bumabagabag sa iyo,
  • 11 O kadiliman, upang huwag kang makakita. At kasaganaan ng tubig ay tumatabon sa iyo.
  • 12 Hindi ba ang Dios ay nasa kaitaasan ng langit? At, narito, ang kataasan ng mga bituin, pagkataastaas nila!
  • 13 At iyong sinasabi, Anong nalalaman ng Dios? Makahahatol ba siya sa salisalimuot na kadiliman?
  • 14 Masinsing alapaap ang tumatakip sa kaniya, na siya'y hindi nakakakita; at siya'y lumalakad sa balantok ng langit.
  • 15 Iyo bang pagpapatuluyan ang dating daan, na nilakaran ng mga masamang tao?
  • 16 Na siyang mga naalis bago dumating ang kanilang kapanahunan. Na ang patibayan ay nahuhong parang agos:
  • 17 Na nagsabi sa Dios: Lumayo ka sa amin; at, anong magagawa sa amin ng Makapangyarihan sa lahat?
  • 18 Gayon ma'y pinuno niya ang kanilang mga bahay ng mga mabuting bagay; nguni't ang payo ng masama ay malayo sa akin.
  • 19 Nakikita ng mga matuwid at nangatutuwa; at tinatawanang mainam ng walang sala:
  • 20 Na nagsasabi, Walang pagsalang silang nagsisibangon laban sa atin ay nahiwalay, at ang nalabi sa kanila ay sinupok ng apoy.
  • 21 Makipagkilala ka sa kaniya, at ikaw ay mapayapa: anopa't ang mabuti ay darating sa iyo.
  • 22 Iyong tanggapin, isinasamo ko sa iyo, ang kautusan mula sa kaniyang bibig, at ilagak mo ang kaniyang mga salita sa iyong puso.
  • 23 Kung ikaw ay bumalik sa Makapangyarihan sa lahat, ay matatayo ka; kung iyong ilayo ang kalikuan sa iyong mga tolda.
  • 24 At ilagay mo ang iyong kayamanan sa alabok, at ang ginto ng Ophir sa gitna ng mga bato ng mga batis:
  • 25 At ang Makapangyarihan sa lahat ay magiging iyong kayamanan, at mahalagang pilak sa iyo.
  • 26 Sapagka't ikaw ay magagalak nga ng iyong sarili sa Makapangyarihan sa lahat, at iyong itataas ang iyong mukha sa Dios.
  • 27 Ikaw ay dadalangin sa kaniya, at kaniyang didinggin ka: at iyong babayaran ang iyong mga panata.
  • 28 Ikaw nama'y magpapasiya ng isang bagay, at ito'y matatatag sa iyo; at liwanag ay sisilang sa iyong mga daan.
  • 29 Pagka inilulugmok ka nila, ay iyong sasabihin: Magpakataas; at ililigtas niya ang mapagpakumbabang tao.
  • 30 Kaniyang ililigtas, pati ng hindi banal: Oo, siya'y maliligtas sa kalinisan ng iyong mga kamay.