Job 3
  • 1 Pagkatapos nito'y ibinuka ni Job ang kaniyang bibig at sinumpa ang kaniyang kaarawan.
  • 2 At si Job ay sumagot, at nagsabi,
  • 3 Maparam nawa ang kaarawan ng kapanganakan sa akin, at ang gabi na nagsabi, may lalaking ipinaglihi.
  • 4 Magdilim nawa ang kaarawang yaon; huwag nawang pansinin ng Dios mula sa itaas, ni silangan man ng liwanag.
  • 5 Ang dilim at ang salimuot na kadiliman ang siyang mangagari niyaon; pag-ulapan nawa yaon; Pangilabutin nawa yaon ng lahat na nagpapadilim sa araw.
  • 6 Suma gabing yaon nawa ang pagsasalimuot ng kadiliman: huwag nawang kagalakan sa mga araw ng sangtaon; huwag nawang mapasok sa bilang ng mga buwan.
  • 7 Narito, mapagisa ang gabing yaon; huwag nawang datnan yaon ng masayang tinig.
  • 8 Sumpain nawa yaong nanganunumpa sa araw, ng nangamimihasang gumalaw sa buwaya.
  • 9 Mangagdilim nawa ang mga bituin ng pagtatakip-silim niyaon: maghintay nawa ng liwanag, nguni't huwag magkaroon: ni huwag mamalas ang mga bukang liwayway ng umaga:
  • 10 Sapagka't hindi tinakpan ang mga pinto ng bahay-bata ng aking ina, o ikinubli man ang kabagabagan sa aking mga mata.
  • 11 Bakit hindi pa ako namatay mula sa bahay-bata? Bakit di pa napatid ang aking hininga nang ipanganak ako ng aking ina?
  • 12 Bakit tinanggap ako ng mga tuhod? O bakit ng mga suso, na aking sususuhin?
  • 13 Sapagka't ngayon ay nahihiga sana ako at natatahimik; ako sana'y nakakatulog; na napapahinga ako:
  • 14 Na kasama ng mga hari at ng mga kasangguni sa lupa, na nagsisigawa ng mga dakong ilang sa ganang kanila;
  • 15 O ng mga pangulo na nangagkaroon ng ginto, na pumuno sa kanilang bahay ng pilak:
  • 16 O gaya sana ng nalagas na nakatago, na hindi nabuhay; gaya sana ng sanggol na kailan man ay hindi nakakita ng liwanag.
  • 17 Doo'y naglilikat ang masama sa pagbagabag; at doo'y nagpapahinga ang pagod.
  • 18 Doo'y ang mga bihag ay nangagpapahingang magkakasama; hindi nila naririnig ang tinig ng nagpapaatag.
  • 19 Ang mababa at ang mataas ay nangaroon; at ang alipin ay laya sa kaniyang panginoon.
  • 20 Bakit binibigyan ng liwanag ang nasa karalitaan, at ng buhay ang kaluluwang nasa kahirapan;
  • 21 Na naghihintay ng kamatayan, nguni't hindi dumarating; at hinahangad ng higit kaysa mga kayamanang nakatago;
  • 22 Na nagagalak ng di kawasa, at nangasasayahan, pagka nasumpungan ang libingan?
  • 23 Bakit binibigyan ng liwanag ang tao na kinalilingiran ng lakad, at ang kinulong ng Dios?
  • 24 Sapagka't nagbubuntong hininga ako bago ako kumain, at ang aking mga angal ay bumubugsong parang tubig.
  • 25 Sapagka't ang bagay na aking kinatatakutan ay dumarating sa akin, at ang aking pinangingilabutan ay dumarating sa akin.
  • 26 Hindi ako tiwasay, ni ako man ay tahimik, ni ako man ay napapahinga; kundi kabagabagan ang dumarating.