Job 9
Wikang Tagalog Ang Banal na Bibliya · 35 verses
- 1 Nang magkagayo'y sumagot si Job, at nagsabi,
- 2 Sa katotohanan ay nalalaman kong ito'y gayon: nguni't paanong makapaggaganap ang tao sa Dios?
- 3 Kung kalugdan niyang makipagtalo sa kaniya, siya'y hindi makasasagot sa kaniya ng isa sa isang libo.
- 4 Siya ay pantas sa puso, at may kaya sa kalakasan: sinong nagmatigas laban sa kaniya at guminhawa?
- 5 Na siyang naglilipat ng mga bundok, at hindi nila nalalaman, pagka nililiglig niya sa kaniyang pagkagalit.
- 6 Na siyang umuuga ng lupa sa kaniyang kinaroroonan, at ang mga haligi nito ay nangayayanig.
- 7 Na siyang naguutos sa araw, at hindi sumisikat; at nagtatakda sa mga bituin.
- 8 Na nagiisang inuunat ang langit, at tumutungtong sa mga alon ng dagat.
- 9 Na lumikha sa Oso, sa Orion, at sa mga Pleyade, at sa mga silid ng timugan.
- 10 Na gumagawa ng mga dakilang bagay na di masayod; Oo, mga kamanghamanghang bagay na walang bilang.
- 11 Narito, siya'y dumaraan sa siping ko, at hindi ko siya nakikita: siya'y nagpapatuloy rin naman, nguni't hindi ko siya namamataan.
- 12 Narito, siya'y nangangagaw sinong makasasansala sa kaniya? Sinong magsasabi sa kaniya: Anong ginagawa mo?
- 13 Hindi iuurong ng Dios ang kaniyang galit; ang mga manunulong sa Rahab ay nagsisiyukod sa ilalim niya.
- 14 Gaano pa nga kaya kaliit ang maisasagot ko sa kaniya, at mapipiling aking mga salita na maimamatuwid ko sa kaniya?
- 15 Na kahiman ako'y matuwid, gayon may hindi ako sasagot sa kaniya; ako'y mamamanhik sa aking hukom.
- 16 Kung ako'y tumawag, at siya'y sumagot sa akin; gayon ma'y hindi ako maniniwala na kaniyang dininig ang aking tinig.
- 17 Sapagka't ako'y ginigiba niya sa pamamagitan ng isang bagyo, at pinararami ang aking mga sugat ng walang kadahilanan.
- 18 Hindi niya ako tutulutang ako'y huminga, nguni't nililipos niya ako ng hirap.
- 19 Kung kami ay magsalita tungkol sa kalakasan, narito, siya'y may kapangyarihan! At kung sa kahatulan, sino, sinasabi niya ay magtatakda sa akin ng panahon?
- 20 Kahiman ako'y matuwid, ang aking sariling bibig ay hahatol sa akin: kahiman ako'y sakdal patototohanan niya akong masama.
- 21 Ako'y sakdal; hindi ko talos ang aking sarili; aking niwalang kabuluhan ang aking buhay.
- 22 Lahat ay isa; kaya't aking sinasabi: kaniyang ginigiba ang sakdal at ang masama.
- 23 Kung ang panghampas ay pumapatay na bigla, tatawanan niya ang paglilitis sa mga walang sala.
- 24 Ang lupa ay nabigay sa kamay ng masama: kaniyang tinatakpan ang mga mukha ng mga hukom nito; kung hindi siya, sino nga?
- 25 Ngayo'y ang mga kaarawan ko ay matulin kay sa isang sugo: dumadaang matulin, walang nakikitang mabuti.
- 26 Sila'y nagsisidaang parang mga matuling sasakyan: parang agila na dumadagit ng huli.
- 27 Kung aking sabihin: Aking kalilimutan ang aking daing, aking papawiin ang aking malungkot na mukha, at magpapakasaya ako:
- 28 Ako'y natatakot sa lahat kong kapanglawan, talastas ko na hindi mo aariin akong walang sala.
- 29 Ako'y mahahatulan; bakit nga ako gagawa ng walang kabuluhan?
- 30 Kung ako'y maligo ng nieveng tubig, at gawin ko ang aking mga kamay na napakalinis;
- 31 Gayon ma'y itutulak mo ako sa hukay, at kayayamutan ako ng aking mga sariling kasuutan.
- 32 Sapagka't siya'y hindi tao, na gaya ko, na sasagot ako sa kaniya, na tayo'y pumasok kapuwa sa kahatulan,
- 33 Walang hukom sa pagitan natin, na makapaglagay ng kaniyang kamay sa ating dalawa.
- 34 Ihiwalay niya sa akin ang kaniyang tungkod, at huwag akong takutin ng kaniyang pangilabot:
- 35 Kung magkagayo'y magsasalita ako, at hindi matatakot sa kaniya; sapagka't hindi gayon ako sa aking sarili.