Mga Awit 116
Wikang Tagalog Ang Banal na Bibliya · 19 verses
- 1 Aking iniibig ang Panginoon, sapagka't kaniyang dininig ang aking tinig at aking mga hiling.
- 2 Sapagka't kaniyang ikiniling ang kaniyang pakinig sa akin, kaya't ako'y tatawag sa kaniya habang ako'y nabubuhay.
- 3 Ang tali ng kamatayan ay pumulupot sa akin, at ang mga sakit ng Sheol ay nagsihawak sa akin: aking nasumpungan ang kabagabagan at kapanglawan.
- 4 Nang magkagayo'y tumawag ako sa pangalan ng Panginoon; Oh Panginoon, isinasamo ko sa iyo, iligtas mo ang aking kaluluwa.
- 5 Mapagbiyaya ang Panginoon, at matuwid; Oo, ang Dios namin ay maawain.
- 6 Pinalalagi ng Panginoon ang mga tapat na loob: ako'y nababa, at kaniyang iniligtas ako.
- 7 Bumalik ka sa iyong kapahingahan, Oh kaluluwa ko; sapagka't ginawan ka ng mabuti ng Panginoon.
- 8 Sapagka't iyong iniligtas ang kaluluwa ko sa kamatayan, at ang mga mata ko sa mga luha, at ang mga paa ko sa pagkabuwal.
- 9 Ako'y lalakad sa harap ng Panginoon, sa lupain ng mga buhay.
- 10 Ako'y sumasampalataya, sapagka't ako'y magsasalita: ako'y lubhang nagdalamhati:
- 11 Aking sinabi sa aking pagmamadali, lahat ng tao ay bulaan.
- 12 Ano ang aking ibabayad sa Panginoon dahil sa lahat niyang kabutihan sa akin?
- 13 Aking kukunin ang saro ng kaligtasan, at tatawag ako sa pangalan ng Panginoon.
- 14 Aking babayaran ang mga panata ko sa Panginoon, Oo, sa harapan ng buo niyang bayan.
- 15 Mahalaga sa paningin ng Panginoon ang kamatayan ng kaniyang mga banal.
- 16 Oh Panginoon, tunay na ako'y iyong lingkod; ako'y iyong lingkod, na anak ng iyong lingkod na babae; iyong kinalag ang aking mga tali.
- 17 Aking ihahandog sa iyo ang hain na pasalamat, at tatawag ako sa pangalan ng Panginoon.
- 18 Aking babayaran ang mga panata ko sa Panginoon, Oo, sa harapan ng buo niyang bayan;
- 19 Sa mga looban ng bahay ng Panginoon, sa gitna mo, Oh Jerusalem. Purihin ninyo ang Panginoon.