Mga Awit 21
  • 1 Ang hari ay magagalak sa iyong kalakasan, Oh Panginoon; at sa iyong pagliligtas gaano kalaki ang ikagagalak niya!
  • 2 Ibinigay mo sa kaniya ang nais ng kaniyang puso, at hindi mo ikinait ang hiling ng kaniyang mga labi. (Selah)
  • 3 Sapagka't iyong sinalubong siya ng mga kapalaran na kabutihan: iyong pinuputungan ng isang putong na dalisay na ginto ang kaniyang ulo.
  • 4 Siya'y humingi ng buhay sa iyo, iyong binigyan siya; pati ng kahabaan ng mga kaarawan magpakailan pa man.
  • 5 Ang kaniyang kaluwalhatian ay dakila sa iyong pagliligtas: karangalan at kamahalan ay inilalagay mo sa kaniya.
  • 6 Sapagka't ginagawa mo siyang pinakamapalad magpakailan man: iyong pinasasaya siya ng kagalakan sa iyong harapan.
  • 7 Sapagka't ang hari ay tumitiwala sa Panginoon, at sa kagandahang-loob ng Kataastaasan ay hindi siya makikilos.
  • 8 Masusumpungan ng iyong kamay ang lahat ng iyong mga kaaway: masusumpungan ng iyong kanan yaong mga nangagtatanim sa iyo.
  • 9 Iyong gagawin sila na gaya ng mainit na hurno sa panahon ng iyong galit. Sasakmalin sila ng Panginoon sa kaniyang poot, at susupukin sila ng apoy.
  • 10 Ang kanilang bunga ay iyong lilipulin mula sa lupa, at ang kanilang binhi ay mula sa gitna ng mga anak ng mga tao.
  • 11 Sapagka't sila'y nagakala ng kasamaan laban sa iyo: sila'y nagpanukala ng lalang na hindi nila maisasagawa.
  • 12 Sapagka't iyong patatalikurin sila, ikaw ay maghahanda ng iyong mga bagting ng busog laban sa mukha nila.
  • 13 Mataas ka, Oh Panginoon, sa iyong kalakasan: sa gayo'y aming aawitin at pupurihin ang iyong kapangyarihan.