Mga Awit 38
  • 1 Oh Panginoon, huwag mo akong sawayin sa iyong pag-iinit: ni parusahan mo man ako sa iyong mahigpit na sama ng loob.
  • 2 Sapagka't ang iyong mga pana ay nagsitimo sa akin, at pinipisil akong mainam ng iyong kamay.
  • 3 Walang kagalingan sa aking laman dahil sa iyong pagkagalit; ni may kaginhawahan man sa aking mga buto dahil sa aking kasalanan.
  • 4 Sapagka't ang aking mga kasamaan ay nagsidaan sa ibabaw ng aking ulo: gaya ng isang pasang mabigat ay napakabigat sa akin.
  • 5 Ang aking mga sugat ay mabaho, at putokputok, dahil sa aking kamangmangan.
  • 6 Ako'y nahirapan at ako'y nahukot; ako'y tumatangis buong araw.
  • 7 Sapagka't ang aking mga balakang ay lipos ng hirap; at walang kagalingan sa aking laman.
  • 8 Ako'y nanglalata, at bugbog na mainam: ako'y umangal dahil sa kaba ng aking loob.
  • 9 Panginoon, lahat ng aking nais ay nasa harap mo; at ang aking hibik ay hindi lingid sa iyo.
  • 10 Ang aking loob ay kakabakaba, ang aking kalakasan ay nanglalata: tungkol sa liwanag ng aking mga mata, ay napawi rin ito sa akin.
  • 11 Ang mga mangliligaw at mga kaibigan ko ay nangatayong malayo sa aking paghihirap; at ang aking mga kamaganak ay nakalayo.
  • 12 Sila namang nangaguusig ng aking buhay ay nangaglagay ng mga silo na ukol sa akin; at silang nagsisihanap ng aking ikapapahamak ay nangagsasalita ng mga masasamang bagay, at nangagiisip ng pagdaraya buong araw.
  • 13 Nguni't ako'y gaya ng binging tao, na hindi nakakarinig; at ako'y gaya ng piping tao, na hindi ibinubuka ang kaniyang bibig.
  • 14 Oo, ako'y gaya ng tao na hindi nakakarinig, at sa kaniyang bibig ay walang mga kasawayan.
  • 15 Sapagka't sa iyo, Oh Panginoon ay umaasa ako: ikaw ay sasagot, Oh Panginoon kong Dios.
  • 16 Sapagka't aking sinabi: Baka ako'y kagalakan nila: pagka ang aking paa ay nadudulas, ay nagsisipagmataas sila laban sa akin.
  • 17 Sapagka't ako'y madali ng mahulog, at ang aking kapanglawan ay laging nasa harap ko.
  • 18 Sapagka't aking ipahahayag ang aking kasamaan; aking ikamamanglaw ang aking kasalanan.
  • 19 Nguni't ang aking mga kaaway ay buhay at malalakas: at silang nangagtatanim sa akin na may kamalian ay dumami.
  • 20 Sila namang nangagbabayad ng kasamaan sa mabuti ay mga kaaway ko, sapagka't aking sinunod ang bagay na mabuti.
  • 21 Huwag mo akong pabayaan, Oh Panginoon: Oh Dios ko, huwag kang lumayo sa akin.
  • 22 Magmadali kang tulungan mo ako, Oh Panginoon na aking kaligtasan.