Mga Awit 97
Wikang Tagalog Ang Banal na Bibliya · 12 verses
- 1 Ang Panginoon ay naghahari; magalak ang lupa; matuwa ang karamihan ng mga pulo.
- 2 Mga ulap at kadiliman ay nasa palibot niya: katuwiran at kahatulan ay patibayin ng kaniyang luklukan.
- 3 Apoy ay nagpapauna sa kaniya, at sinusunog ang kaniyang kaaway sa buong palibot.
- 4 Tumatanglaw ang mga kidlat niya sa sanglibutan: nakita ng lupa, at niyanig.
- 5 Ang mga bundok ay natunaw na parang pagkit sa harap ng Panginoon, sa harapan ng Panginoon ng buong lupa.
- 6 Ipinahahayag ng langit ang kaniyang katuwiran, at nakita ng lahat na bayan ang kaniyang kaluwalhatian.
- 7 Mangahiya silang lahat na nangaglilingkod sa mga larawan, nangaghahambog tungkol sa mga diosdiosan: kayo'y magsisamba sa kaniya kayong lahat na mga dios.
- 8 Narinig ng Sion, at natuwa, at ang mga anak na babae ng Juda ay nangagalak; dahil sa iyong mga kahatulan, Oh Panginoon.
- 9 Sapagka't ikaw, Oh Panginoon, ay kataastaasan sa buong lupa: ikaw ay nataas na totoong higit kay sa lahat na mga dios.
- 10 Oh kayong nagsisiibig sa Panginoon, ipagtanim ninyo ang kasamaan. Kaniyang iniingatan ang mga kaluluwa ng kaniyang mga banal; kaniyang iniligtas sila sa kamay ng masama.
- 11 Liwanag ang itinanim na ukol sa mga banal, at kasayahan ay sa may matuwid na puso.
- 12 Mangatuwa kayo sa Panginoon, kayong mga matuwid; at mangagpasalamat sa kaniyang banal na pangalan.