Mga Awit 66
  • 1 Magkaingay kayong may kagalakan sa Dios, buong lupa.
  • 2 Awitin ninyo ang kaluwalhatian ng kaniyang pangalan: paluwalhatiin ninyo ang pagpuri sa kaniya.
  • 3 Inyong sabihin sa Dios, napaka kakilakilabot ng iyong mga gawa! Sa kadakilaan ng iyong kapangyarihan ay magsisuko ang iyong mga kaaway sa iyo.
  • 4 Buong lupa ay sasamba sa iyo, at aawit sa iyo; sila'y magsisiawit sa iyong pangalan. (Selah)
  • 5 Kayo ay magsiparito, at tingnan ninyo ang mga gawa ng Dios; siya'y kakilakilabot sa kaniyang gawain sa mga anak ng mga tao.
  • 6 Kaniyang pinagiging tuyong lupa ang dagat: sila'y nagsidaan ng paa sa ilog: doo'y nangagalak kami sa kaniya.
  • 7 Siya'y nagpupuno ng kaniyang kapangyarihan magpakailan man: papansinin ng kaniyang mga mata ang mga bansa: huwag mangagpakabunyi ang mga manghihimagsik. (Selah)
  • 8 Oh purihin ninyo ang ating Dios, ninyong mga bayan, at iparinig ninyo ang tinig ng kaniyang kapurihan:
  • 9 Na umaalalay sa ating kaluluwa sa buhay, at hindi tumitiis na makilos ang ating mga paa.
  • 10 Sapagka't ikaw, Oh Dios, tinikman mo kami: Iyong sinubok kami na para ng pagsubok sa pilak.
  • 11 Iyong isinuot kami sa silo; ikaw ay naglagay ng mainam na pasan sa aming mga balakang.
  • 12 Iyong pinasakay ang mga tao sa aming mga ulo; kami ay nangagdaan sa apoy at sa tubig; nguni't dinala mo kami sa saganang dako.
  • 13 Ako'y papasok sa iyong bahay na may mga handog na susunugin, aking babayaran sa iyo ang mga panata ko,
  • 14 Na sinambit ng aking mga labi, at sinalita ng aking bibig, nang ako'y nasa kadalamhatian.
  • 15 Ako'y maghahandog sa iyo ng mga matabang handog na susunugin, na may haing mga tupa; ako'y maghahandog ng mga toro na kasama ng mga kambing. (Selah)
  • 16 Kayo'y magsiparito at dinggin ninyo, ninyong lahat na nangatatakot sa Dios, at ipahahayag ko kung ano ang kaniyang ginawa sa aking kaluluwa.
  • 17 Ako'y dumaing sa kaniya ng aking bibig, at siya'y ibinunyi ng aking dila.
  • 18 Kung pinakundanganan ko ang kasamaan sa aking puso, hindi ako didinggin ng Panginoon:
  • 19 Nguni't katotohanang dininig ako ng Dios; kaniyang pinakinggan ang tinig ng aking dalangin.
  • 20 Purihin ang Dios, na hindi iniwaksi ang aking dalangin, ni ang kaniyang kagandahang-loob sa akin.