Mga Awit 106
  • 1 Purihin ninyo ang Panginoon. Oh mangagpasalamat kayo sa Panginoon; sapagka't siya'y mabuti; sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
  • 2 Sinong makapagbabadya ng mga makapangyarihang gawa ng Panginoon, o makapagpapakilala ng buo niyang kapurihan?
  • 3 Mapalad silang nangagiingat ng kahatulan, at siyang gumagawa ng katuwiran sa buong panahon.
  • 4 Alalahanin mo ako, Oh Panginoon, ng lingap na iyong ipinagkaloob sa iyong bayan; Oh dalawin mo ako ng iyong pagliligtas:
  • 5 Upang makita ko ang kaginhawahan ng iyong hirang, upang ako'y magalak sa kasayahan ng iyong bansa, upang ako'y lumuwalhati na kasama ng iyong mana.
  • 6 Kami ay nangagkasala na kasama ng aming mga magulang, kami ay nangakagawa ng kasamaan, kami ay nagsigawa ng masama.
  • 7 Hindi naunawa ng aming mga magulang ang iyong mga kababalaghan sa Egipto; hindi nila inalaala ang karamihan ng iyong mga kagandahang-loob, kundi naging mapanghimagsik sa dagat, sa makatuwid baga'y sa Dagat na Mapula.
  • 8 Gayon ma'y iniligtas niya sila dahil sa kaniyang pangalan, upang kaniyang maipabatid ang kaniyang matibay na kapangyarihan.
  • 9 Kaniyang sinaway naman ang Dagat na Mapula, at natuyo: sa gayo'y pinatnubayan niya sila sa mga kalaliman, na parang ilang.
  • 10 At iniligtas niya sila sa kamay ng nangagtatanim sa kanila, at tinubos niya sila sa kamay ng kaaway.
  • 11 At tinabunan ng tubig ang kanilang mga kaaway: walang nalabi sa kanila kahit isa.
  • 12 Nang magkagayo'y sinampalatayanan nila ang kaniyang mga salita; inawit nila ang kaniyang kapurihan.
  • 13 Nilimot nilang madali ang kaniyang mga gawa; hindi sila naghintay sa kaniyang payo:
  • 14 Kundi nagnais ng di kawasa sa ilang, at tinukso ang Dios sa ilang.
  • 15 At binigyan niya sila ng kanilang hiling; nguni't pinangayayat ang kanilang kaluluwa.
  • 16 Kanilang pinanaghilian naman si Moises sa kampamento, at si Aaron na banal ng Panginoon.
  • 17 Ang lupa ay bumuka, at nilamon si Dathan, at tinakpan ang pulutong ni Abiram.
  • 18 At apoy ay nagningas sa kanilang pulutong; sinunog ng liyab ang mga masama,
  • 19 Sila'y nagsigawa ng guya sa Horeb, at nagsisamba sa larawang binubo.
  • 20 Ganito nila pinapagbago ang kanilang kaluwalhatian sa wangis ng baka na kumakain ng damo.
  • 21 Nilimot nila ang Dios na kanilang tagapagligtas, na gumawa ng mga dakilang bagay sa Egipto;
  • 22 Kagilagilalas na mga gawa sa lupain ng Cham, at kakilakilabot na mga bagay sa Dagat na Mapula.
  • 23 Kaya't sinabi niya, na kaniyang lilipulin sila, kung si Moises na kaniyang hirang ay hindi humarap sa kaniya sa bitak, upang pawiin ang kaniyang poot, upang huwag niyang lipulin sila.
  • 24 Oo, kanilang hinamak ang maligayang lupain, hindi nila sinampalatayanan ang kaniyang salita;
  • 25 Kundi nangagsiungol sa kanilang mga tolda, at hindi nangakinig sa tinig ng Panginoon.
  • 26 Kaya't kaniyang isinumpa sa kanila, na kaniyang ibubulid sila sa ilang:
  • 27 At kaniyang ibubulid ang kanilang binhi sa mga bansa, at pangalatin sila sa mga lupain.
  • 28 Sila'y nangakilakip naman sa diosdiosang Baal-peor, at nagsikain ng mga hain sa mga patay.
  • 29 Ganito minungkahi nila siya sa galit ng kanilang mga gawa; at ang salot ay lumitaw sa kanila.
  • 30 Nang magkagayo'y tumayo si Phinees, at gumawa ng kahatulan: at sa gayo'y tumigil ang salot.
  • 31 At nabilang sa kaniya na katuwiran, sa lahat ng sali't saling lahi magpakailan man.
  • 32 Kanilang ginalit din siya sa tubig ng Meriba, na anopa't naging masama kay Moises dahil sa kanila:
  • 33 Sapagka't sila'y mapanghimagsik laban sa kaniyang diwa, at siya'y nagsalita ng walang pakundangan ng kaniyang mga labi.
  • 34 Hindi nila nilipol ang mga bayan, gaya ng iniutos ng Panginoon sa kanila;
  • 35 Kundi nangakihalo sa mga bansa, at nangatuto ng kanilang mga gawa:
  • 36 At sila'y nangaglingkod sa kanilang mga diosdiosan; na naging silo sa kanila:
  • 37 Oo, kanilang inihain ang kanilang mga anak na lalake at babae sa mga demonio,
  • 38 At nagbubo ng walang salang dugo, sa makatuwid baga'y ng dugo ng kanilang mga anak na lalake at babae, na kanilang inihain sa diosdiosan ng Canaan; at ang lupain ay nadumhan ng dugo.
  • 39 Ganito sila nagpakahawa sa kanilang mga gawa, at nagsiyaong nagpakarumi sa kanilang mga gawa.
  • 40 Kaya't nagalab ang pagiinit ng Panginoon laban sa kaniyang bayan, at kinayamutan niya ang kaniyang pamana.
  • 41 At ibinigay niya sila sa kamay ng mga bansa; at silang nangagtatanim sa kanila ay nangagpuno sa kanila.
  • 42 Pinighati naman sila ng kanilang mga kaaway, at sila'y nagsisuko sa kanilang kamay.
  • 43 Madalas na iligtas niya sila; nguni't sila'y mapanghimagsik sa kanilang payo, at nangababa sila sa kanilang kasamaan.
  • 44 Gayon ma'y nilingap niya ang kanilang kahirapan, nang kaniyang marinig ang kanilang daing:
  • 45 At kaniyang inalaala sa kanila ang kaniyang tipan, at nagsisi ayon sa karamihan ng kaniyang mga kagandahang-loob.
  • 46 Ginawa naman niyang sila'y kaawaan niyaong lahat na nangagdalang bihag sa kanila.
  • 47 Iligtas mo kami, Oh Panginoon naming Dios, at pisanin mo kami na mula sa mga bansa, upang mangagpasalamat sa iyong banal na pangalan, at mangagtagumpay sa iyong kapurihan.
  • 48 Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, mula sa walang pasimula hanggang sa walang hanggan. At sabihin ng buong bayan, Siya nawa. Purihin ninyo ang Panginoon.