Mga Awit 60
  • 1 Oh Dios, iniwaksi mo kami, ibinagsak mo kami; ikaw ay nagalit; Oh papanauliin mo kami.
  • 2 Iyong niyanig ang lupain; iyong pinabuka: pagalingin mo ang mga sira niyaon: sapagka't umuuga.
  • 3 Nagpakita ka sa iyong bayan ng mahihirap na bagay: iyong ipinainom sa amin ang alak na pangpagiray.
  • 4 Nagbigay ka ng watawat sa nangatatakot sa iyo, upang maiwagayway dahil sa katotohanan. (Selah)
  • 5 Upang ang iyong minamahal ay makaligtas, magligtas ka ng iyong kanan, at sagutin mo kami.
  • 6 Nagsalita ang Dios sa kaniyang kabanalan; ako'y magsasaya: aking hahatiin ang Sichem, at aking susukatin ang libis ng Succoth,
  • 7 Galaad ay akin, at Manases ay akin; Ephraim naman ay sanggalang ng aking ulo; Juda ay aking setro.
  • 8 Moab ay aking hugasan; sa Edom ay aking ihahagis ang aking panyapak; Filistia, humiyaw ka dahil sa akin.
  • 9 Sinong magdadala sa akin sa matibay na bayan? Sinong papatnubay sa akin hanggang sa Edom?
  • 10 Hindi mo ba kami iniwaksi, Oh Dios? At hindi ka lumalabas, Oh Dios, na kasama ng aming mga hukbo.
  • 11 Tulungan mo kami laban sa kaaway; sapagka't walang kabuluhan ang tulong ng tao.
  • 12 Sa pamamagitan ng Dios ay gagawa kaming may katapangan: sapagka't siya ang yumayapak sa aming mga kaaway.