Mga Awit 22
Wikang Tagalog Ang Banal na Bibliya · 31 verses
- 1 Dios ko, Dios ko, bakit mo ako pinabayaan? Bakit ka napaka layo sa pagtulong sa akin, at sa mga salita ng aking pagangal?
- 2 Oh Dios ko, ako'y humihiyaw sa araw, nguni't hindi ka sumasagot: at sa gabi, at hindi ako tahimik.
- 3 Nguni't ikaw ay banal, Oh ikaw na tumatahan sa mga pagpuri ng Israel.
- 4 Ang aming mga magulang ay nagsitiwala sa iyo: sila'y nagsitiwala, at iyong iniligtas sila.
- 5 Sila'y nagsidaing sa iyo at nangaligtas: sila'y nagsitiwala sa iyo, at hindi nangapahiya.
- 6 Nguni't ako'y uod at hindi tao; duwahagi sa mga tao, at hinamak ng bayan.
- 7 Silang lahat na nangakakita sa akin ay tinatawanang mainam ako: inilalawit nila ang labi, iginagalaw nila ang ulo, na sinasabi,
- 8 Magpakatiwala ka sa Panginoon; iligtas niya siya: iligtas niya siya yamang kinaluluguran niya siya:
- 9 Nguni't ikaw ang naglabas sa akin sa bahay-bata: Pinatiwala mo ako nang ako'y nasa mga suso ng aking ina.
- 10 Ako'y nahagis sa iyo mula sa bahay-bata: ikaw ay aking Dios mulang dalhin ako sa tiyan ng aking ina.
- 11 Huwag mo akong layuan; sapagka't kabagabagan ay malapit; sapagka't walang tumulong.
- 12 Niligid ako ng maraming toro; mga malakas na toro ng Basan ay kumulong sa akin.
- 13 Sila'y magbubuka sa akin ng kanilang bibig, na gaya ng sumasakmal at umuungal na leon.
- 14 Ako'y nabuhos na parang tubig, at lahat ng aking mga buto ay nangapapalinsad: ang aking puso ay parang pagkit; natutunaw ito sa loob ko.
- 15 Ang aking kalakasan ay natuyo na parang bibinga; at ang aking dila ay dumidikit sa aking ngalangala; at dinala mo ako sa alabok ng kamatayan.
- 16 Sapagka't niligid ako ng mga aso: kinulong ako ng pulutong ng mga manggagawa ng masama; binutasan nila ang aking mga kamay at ang aking mga paa.
- 17 Aking maisasaysay ang lahat ng aking mga buto; kanilang minamasdan, at pinapansin ako:
- 18 Hinapak nila ang aking mga kasuutan sa gitna nila, at kanilang pinagsapalaran ang aking kasuutan.
- 19 Nguni't huwag kang lumayo, Oh Panginoon: Oh ikaw na aking saklolo, magmadali kang tulungan mo ako.
- 20 Iligtas mo ang aking kaluluwa sa tabak; ang aking minamahal sa kapangyarihan ng aso.
- 21 Iligtas mo ako sa bibig ng leon; Oo, mula sa mga sungay ng torong gubat ay sinagot mo ako.
- 22 Aking ipahahayag ang iyong pangalan sa aking mga kapatid: sa gitna ng kapulungan ay pupurihin kita.
- 23 Kayong nangatatakot sa Panginoon ay magsipuri sa kaniya: kayong lahat na binhi ni Jacob ay lumuwalhati sa kaniya; at magsitayong may takot sa kaniya, kayong lahat na binhi ni Israel.
- 24 Sapagka't hindi niya hinamak o pinagtaniman man ang kadalamhatian ng nagdadalamhati; ni ikinubli man niya ang kaniyang mukha sa kaniya; kundi nang siya'y dumaing sa kaniya, ay kaniyang dininig.
- 25 Sa iyo nanggagaling ang pagpuri sa akin sa dakilang kapisanan: aking tutuparin ang aking mga panata sa harap nila na nangatatakot sa kaniya.
- 26 Ang maamo ay kakain at mabubusog: kanilang pupurihin ang Panginoon na humanap sa kaniya; mabuhay nawa ang iyong puso magpakailan man.
- 27 Lahat ng mga wakas ng lupa ay makakaalaala, at magsisipanumbalik sa Panginoon: at lahat ng mga angkan ng mga bansa ay magsisisamba sa harap mo.
- 28 Sapagka't ang kaharian ay sa Panginoon: at siya ang puno sa mga bansa.
- 29 Lahat na matataba sa lupa ay magsisikain, at magsisisamba: silang lahat na nagsisibaba sa alabok ay magsisiyukod sa harap niya, sa makatuwid baga'y ang hindi makapagingat na buhay ng kaniyang kaluluwa.
- 30 Isang binhi ay maglilingkod sa kaniya, sasaysayin ang Panginoon sa susunod na salin ng lahi,
- 31 Sila'y magsisiparoon at mangaghahayag ng kaniyang katuwiran, sa bayan na ipanganganak ay ibabalita, yaong kaniyang ginawa.