Mga Awit 72
  • 1 Ibigay mo sa hari ang iyong mga kahatulan, Oh Dios, at ang iyong katuwiran sa anak na lalake ng hari.
  • 2 Kaniyang hahatulan ang iyong bayan, ng katuwiran, at ang iyong dukha, ng kahatulan.
  • 3 Ang mga bundok ay magtataglay ng kapayapaan sa bayan, at ang mga gulod, sa katuwiran.
  • 4 Kaniyang hahatulan ang dukha sa bayan, kaniyang ililigtas ang mga anak ng mapagkailangan, at pagwawaraywarayin ang mangaapi.
  • 5 Sila'y mangatatakot sa iyo habang nananatili ang araw, at habang sumisilang ang buwan, sa lahat ng sali't saling lahi.
  • 6 Siya'y babagsak na parang ulan sa tuyong damo: gaya ng ambon na dumidilig sa lupa.
  • 7 Sa kaniyang mga kaarawan ay giginhawa ang mga matuwid; at saganang kapayapaan, hanggang sa mawala ang buwan.
  • 8 Siya naman ay magtataglay ng pagpapakapanginoon sa dagat at dagat, at mula sa ilog hanggang sa mga wakas ng lupa.
  • 9 Silang nagsisitahan sa ilang ay magsisiyukod sa kaniya; at hihimuran ng kaniyang mga kaaway ang alabok.
  • 10 Ang mga hari ng Tharsis, at sa mga pulo ay mangagdadala ng mga kaloob; ang mga hari sa Sheba at Seba ay mangaghahandog ng mga kaloob.
  • 11 Oo, lahat ng mga hari ay magsisiyukod sa harap niya: lahat ng mga bansa ay mangaglilingkod sa kaniya.
  • 12 Sapagka't kaniyang ililigtas ang mapagkailangan pagka dumadaing; at ang dukha na walang katulong.
  • 13 Siya'y maaawa sa dukha at mapagkailangan, at ang mga kaluluwa ng mga mapagkailangan ay kaniyang ililigtas.
  • 14 Tutubusin niya ang kanilang kaluluwa sa kapighatian at karahasan; at magiging mahalaga ang kanilang dugo sa kaniyang paningin:
  • 15 At siya'y mabubuhay at sa kaniya'y ibibigay ang ginto ng Sheba: at dadalanginang lagi siya ng mga tao: pupurihin nila siya buong araw.
  • 16 Magkakaroon ng saganang trigo sa lupa sa taluktok ng mga bundok; ang bunga niyao'y uugang gaya ng Libano: at silang sa bayan ay giginhawa na parang damo sa lupa.
  • 17 Ang kaniyang pangalan ay mananatili kailan man; ang kaniyang pangalan ay magluluwat na gaya ng araw: at ang mga tao ay pagpapalain sa kaniya; tatawagin siyang maginhawa ng lahat ng mga bansa.
  • 18 Purihin ang Panginoong Dios, ang Dios ng Israel, na siya lamang gumagawa ng mga kababalaghang bagay:
  • 19 At purihin ang kaniyang maluwalhating pangalan magpakailan man; at mapuno ang buong lupa ng kaniyang kaluwalhatian. Siya nawa, at Siya nawa.
  • 20 Ang mga dalangin ni David na anak ni Isai ay nangatapos.