Mga Awit 73
  • 1 Tunay na ang Dios ay mabuti sa Israel. Sa mga malilinis sa puso.
  • 2 Nguni't tungkol sa akin, ang mga paa ko'y halos nahiwalay: ang mga hakbang ko'y kamunti nang nangadulas.
  • 3 Sapagka't ako'y nanaghili sa hambog, nang aking makita ang kaginhawahan ng masama.
  • 4 Sapagka't walang mga tali sa kanilang kamatayan: kundi ang kanilang kalakasan ay matatag.
  • 5 Sila'y wala sa kabagabagan na gaya ng ibang mga tao; na hindi man sila nangasasalot na gaya ng ibang mga tao.
  • 6 Kaya't kapalalua'y gaya ng kuwintas sa kanilang leeg: tinatakpan sila ng karahasan na gaya ng bihisan.
  • 7 Ang kanilang mga mata ay lumuluwa sa katabaan: sila'y mayroong higit kay sa mananasa ng puso.
  • 8 Sila'y manganunuya, at sa kasamaan ay nanunungayaw ng pagpighati: sila'y nangagsasalitang may kataasan.
  • 9 Kanilang inilagay ang kanilang bibig sa mga langit, at ang kanilang dila ay lumalakad sa lupa.
  • 10 Kaya't ibinabalik dito ang kaniyang bayan: at tubig ng punong saro ay nilalagok nila.
  • 11 At kanilang sinasabi, Paanong nalalaman ng Dios? At may kaalaman ba sa Kataastaasan?
  • 12 Narito, ang mga ito ang masama; at palibhasa'y laging tiwasay nagsisilago sa mga kayamanan,
  • 13 Tunay na sa walang kabuluhan ay nilinis ko ang aking puso, at hinugasan ko ang aking mga kamay sa kawalaang sala;
  • 14 Sapagka't buong araw ay nasalot ako, at naparusahan tuwing umaga.
  • 15 Kung aking sinabi, Ako'y magsasalita ng ganito; narito, ako'y gagawang may karayaan sa lahi ng iyong mga anak.
  • 16 Nang aking isipin kung paanong aking malalaman ito, ay napakahirap sa ganang akin;
  • 17 Hanggang sa ako'y pumasok sa santuario ng Dios, at aking nagunita ang kanilang huling wakas,
  • 18 Tunay na iyong inilagay sila sa mga madulas na dako: iyong inilugmok sila sa kapahamakan.
  • 19 Kung paanong naging kapahamakan sila sa isang sandali! Sila'y nilipol na lubos ng mga kakilabutan.
  • 20 Ang panaginip sa pagkagising: sa gayon, Oh Panginoon, pag gumising ka, iyong hahamakin ang kanilang larawan.
  • 21 Sapagka't ang puso ko'y namanglaw, at sa aking kalooban ay nasaktan ako:
  • 22 Sa gayo'y naging walang muwang ako, at musmos; ako'y naging gaya ng hayop sa harap mo.
  • 23 Gayon ma'y laging sumasaiyo ako: iyong inalalayan ang aking kanan.
  • 24 Iyong papatnubayan ako ng iyong payo, at pagkatapos ay tatanggapin mo ako sa kaluwalhatian.
  • 25 Sinong kumakasi sa akin sa langit kundi ikaw? At walang ninanasa ako sa lupa liban sa iyo.
  • 26 Ang aking laman at ang aking puso ay nanglulupaypay: nguni't ang Dios ay kalakasan ng aking puso, at bahagi ko magpakailan man.
  • 27 Sapagka't narito, silang malayo sa iyo ay mangalilipol: iyong ibinuwal silang lahat, na nangakikiapid, na nagsisihiwalay sa iyo.
  • 28 Nguni't mabuti sa akin na lumapit sa Dios; ginawa kong aking kanlungan ang Panginoong Dios, upang aking maisaysay ang lahat ng iyong mga gawa.