Mga Awit 81
  • 1 Magsiawit kayo ng malakas sa Dios na ating kalakasan: mangagkaingay kayo na may kagalakan sa Dios ni Jacob,
  • 2 Magsiawit kayo at dalhin ninyo rito ang pandereta, ang masayang alpa sangpu ng salterio.
  • 3 Magsihihip kayo ng pakakak sa bagong buwan, sa kabilugan ng buwan, sa ating dakilang kapistahan.
  • 4 Sapagka't pinakapalatuntunan sa Israel, ayos ng Dios ni Jacob.
  • 5 Kaniyang inilagay na pinakapatotoo sa Jose, nang siya'y lumabas na maglakbay sa lupain ng Egipto: na aking kinaringgan ng wika na di ko nauunawa.
  • 6 Aking inihiwalay ang kaniyang balikat sa pasan: ang mga kamay niya'y napabitiw sa luwelang.
  • 7 Ikaw ay tumawag sa kabagabagan, at iniligtas kita; sinagot kita sa lihim na dako ng kulog; sinubok kita sa tubig ng Meriba. (Selah)
  • 8 Dinggin mo, Oh bayan ko, at ako'y sasaksi sa iyo: Oh Israel, kung ikaw ay makikinig sa akin!
  • 9 Hindi magkakaroon ng ibang dios sa iyo; at hindi ka man sasamba sa anomang ibang dios.
  • 10 Ako ang Panginoon mong Dios, na naglabas sa iyo mula sa lupain ng Egipto: bukhin mong maluwang ang iyong bibig, at aking pupunuin.
  • 11 Nguni't hindi nakinig sa aking tinig ang bayan ko; at hindi ako sinunod ng Israel.
  • 12 Sa gayo'y aking pinasunod sa pagmamatigas ng kanilang puso, upang sila'y makalakad sa kanilang sariling mga payo.
  • 13 Oh kung ako'y didinggin ng aking bayan, kung ang Israel ay lalakad sa aking mga daan!
  • 14 Aking pasusukuing madali ang kanilang mga kaaway, at ibabalik ko ang aking kamay laban sa kanilang mga kaaway.
  • 15 Ang mga mapagtanim sa Panginoon ay magsisisuko sa kaniya: nguni't ang kanilang panahon ay mananatili kailan man,
  • 16 Kaniya ring pakakanin sila ng katabaan ng trigo: at ng pulot na mula sa bato ay bubusugin kita.