Mga Awit 105
  • 1 Oh magpasalamat kayo sa Panginoon, kayo'y magsitawag sa kaniyang pangalan; ipabatid ninyo ang kaniyang mga gawain sa mga bayan.
  • 2 Magsiawit kayo sa kaniya, magsiawit kayo sa kaniya ng mga pagpuri; salitain ninyo ang lahat niyang kagilagilalas na mga gawa.
  • 3 Lumuwalhati kayo sa kaniyang banal na pangalan: mangagalak ang puso nila na nagsisihanap sa Panginoon.
  • 4 Hanapin ninyo ang Panginoon at ang kaniyang kalakasan; hanapin ninyo ang kaniyang mukha magpakailan man.
  • 5 Alalahanin ninyo ang kaniyang kagilagilalas na mga gawa na kaniyang ginawa: ang kaniyang mga kababalaghan at ang mga kahatulan ng kaniyang bibig;
  • 6 Oh ninyong binhi ni Abraham na kaniyang lingkod, ninyong mga anak ni Jacob, na kaniyang mga hirang.
  • 7 Siya ang Panginoon nating Dios: ang kaniyang mga kahatulan ay nangasa buong lupa.
  • 8 Kaniyang inalaala ang kaniyang tipan magpakailan man, ang salita na kaniyang iniutos sa libong sali't saling lahi;
  • 9 Ang tipan na kaniyang ginawa kay Abraham, at ang kaniyang sumpa kay Isaac;
  • 10 At pinagtibay yaon kay Jacob na pinakapalatuntunan, sa Israel na pinakawalang hanggang tipan:
  • 11 Na sinasabi, sa iyo'y ibibigay ko ang lupain ng Canaan, ang kapalaran na iyong mana;
  • 12 Nang sila'y kaunti lamang tao sa bilang; Oo, totoong kaunti, at nangakikipamayan doon;
  • 13 At sila'y nagsiyaon sa bansa at bansa, mula sa isang kaharian hanggang sa ibang bayan.
  • 14 Hindi niya tiniis ang sinomang tao na gawan sila ng kamalian; Oo, kaniyang sinaway ang mga hari dahil sa kanila;
  • 15 Na sinasabi, Huwag ninyong galawin ang mga pinahiran ko ng langis. At huwag ninyong gawan ng masama ang mga propeta ko.
  • 16 At siya'y nagdala ng kagutom sa lupain; kaniyang binali ang buong tukod ng tinapay.
  • 17 Siya'y nagsugo ng isang lalake sa unahan nila; si Jose ay naipagbiling pinakaalipin:
  • 18 Ang kaniyang mga paa ay sinaktan nila ng mga pangpangaw; siya'y nalagay sa mga tanikalang bakal:
  • 19 Hanggang sa panahon na nangyari ang kaniyang salita; tinikman siya ng salita ng Panginoon.
  • 20 Ang hari ay nagsugo, at pinawalan siya; sa makatuwid baga'y ang pinuno ng mga bayan, at pinalaya niya siya.
  • 21 Ginawa niya siyang panginoon sa kaniyang bahay, at pinuno sa lahat niyang pag-aari:
  • 22 Upang talian ang kaniyang mga pangulo sa kaniyang kaligayahan, at turuan ang kaniyang mga kasangguni ng karunungan.
  • 23 Si Israel naman ay nasok sa Egipto; at si Jacob ay nakipamayan sa lupain ng Cham.
  • 24 At kaniyang pinalagong mainam ang kaniyang bayan, at pinalakas sila kay sa kanilang mga kaaway.
  • 25 Kaniyang pinapanumbalik ang kanilang puso upang mangagtanim sa kaniyang bayan, upang magsigawang may katusuhan sa kaniyang mga lingkod.
  • 26 Kaniyang sinugo si Moises na kaniyang lingkod, at si Aaron na kaniyang hirang.
  • 27 Kanilang inilagay sa gitna nila ang kaniyang mga tanda, at mga kababalaghan sa lupain ng Cham.
  • 28 Siya'y nagsugo ng mga kadiliman, at nagpadilim; at sila'y hindi nagsipanghimagsik laban sa kaniyang mga salita.
  • 29 Kaniyang pinapaging dugo ang kanilang tubig, at pinatay ang kanilang mga isda.
  • 30 Ang kanilang lupain ay binukalan ng mga palaka, sa mga silid ng kanilang mga hari.
  • 31 Siya'y nagsalita, at dumating ang mga pulutong na mga langaw, at kuto sa lahat ng kanilang mga hangganan.
  • 32 Ibinigay niya sa kanila na pinakaulan ay graniso, at liyab ng apoy sa kanilang lupain.
  • 33 Sinaktan naman niya ang kanilang mga puno ng ubas, at ang kanilang mga puno ng higos; at binali ang mga punong kahoy ng kanilang mga hangganan.
  • 34 Siya'y nagsalita at ang mga balang ay nagsidating, at ang mga higad, ay yao'y walang bilang,
  • 35 At kinain ang lahat na gugulayin sa kanilang lupain, at kinain ang bunga ng kanilang lupa.
  • 36 Sinaktan din niya ang lahat na panganay sa kanilang lupain, ang puno ng lahat nilang kalakasan.
  • 37 At kaniyang inilabas sila na may pilak at ginto: at hindi nagkaroon ng mahinang tao sa kaniyang mga lipi.
  • 38 Natuwa ang Egipto nang sila'y magsialis; sapagka't ang takot sa kanila ay nahulog sa kanila.
  • 39 Kaniyang inilatag ang ulap na pinakakubong; at apoy upang magbigay liwanag sa gabi,
  • 40 Sila'y nagsihingi, at dinalhan niya ng mga pugo, at binusog niya sila ng pagkain na mula sa langit.
  • 41 Kaniyang ibinuka ang bato at binukalan ng tubig; nagsiagos sa tuyong mga dako na parang ilog.
  • 42 Sapagka't kaniyang naalaala ang kaniyang banal na salita, at si Abraham na kaniyang lingkod.
  • 43 At kaniyang inilabas ang kaniyang bayan na may kagalakan, at ang kaniyang hirang na may awitan.
  • 44 At ibinigay niya sa kanila ang mga lupain ng mga bansa; at kinuha nila ang gawa ng mga bayan na pinakaari:
  • 45 Upang kanilang maingatan ang kaniyang mga palatuntunan, at sundin ang kaniyang mga kautusan. Purihin ninyo ang Panginoon.