Mga Awit 118
  • 1 Oh mangagpasalamat kayo sa Panginoon; sapagka't siya'y mabuti: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
  • 2 Magsabi ngayon ang Israel, na ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
  • 3 Magsabi ngayon ang sangbahayan ni Aaron, na ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
  • 4 Mangagsabi ngayon ang nangatatakot sa Panginoon, na ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
  • 5 Sa aking kapanglawan ay tumawag ako sa Panginoon: sinagot ako ng Panginoon, at inilagay ako sa maluwag na dako.
  • 6 Ang Panginoon ay kakampi ko; hindi ako matatakot: anong magagawa ng tao sa akin?
  • 7 Ang Panginoon ay kakampi ko sa gitna nila na nagsisitulong sa akin: kaya't makikita ko ang nasa ko sa kanila na nangagtatanim sa akin.
  • 8 Lalong mabuti ang manganlong sa Panginoon kay sa maglagak ng tiwala sa tao.
  • 9 Lalong mabuti ang manganlong sa Panginoon kay sa maglagak ng tiwala sa mga pangulo.
  • 10 Kinubkob ako ng lahat ng mga bansa sa palibot: sa pangalan ng Panginoon ay aking ihihiwalay sila.
  • 11 Kanilang kinubkob ako sa palibot; oo, kanilang kinubkob ako sa palibot: sa pangalan ng Panginoon ay aking ihihiwalay sila.
  • 12 Kanilang kinubkob ako sa palibot na parang mga pukyutan: sila'y nangamatay na parang apoy ng mga dawag: sa pangalan ng Panginoon ay aking ihihiwalay sila.
  • 13 Itinulak mo akong bigla upang ako'y mabuwal: nguni't tulungan ako ng Panginoon.
  • 14 Ang Panginoon ay aking kalakasan at awit; at siya'y naging aking kaligtasan.
  • 15 Ang tinig ng kagalakan at kaligtasan ay nasa mga tolda ng matuwid: ang kanan ng Panginoon ay gumagawang matapang.
  • 16 Ang kanan ng Panginoon ay nabunyi; ang kanan ng Panginoon ay gumagawang matapang.
  • 17 Hindi ako mamamatay, kundi mabubuhay, at magpapahayag ng mga gawa ng Panginoon.
  • 18 Pinarusahan akong mainam ng Panginoon; nguni't hindi niya ako ibinigay sa kamatayan.
  • 19 Buksan ninyo sa akin ang mga pintuan ng katuwiran; aking papasukan, ako'y magpapasalamat sa Panginoon.
  • 20 Ito'y siyang pintuan ng Panginoon; papasukan ng matuwid.
  • 21 Ako'y magpapasalamat sa iyo, sapagka't sinagot mo ako! At ikaw ay naging aking kaligtasan.
  • 22 Ang bato na itinakuwil ng nangagtayo ng bahay ay naging pangulo sa sulok.
  • 23 Ito ang gawa ng Panginoon: kagilagilalas sa harap ng ating mga mata.
  • 24 Ito ang araw na ginawa ng Panginoon; tayo'y mangagagalak at ating katutuwaan.
  • 25 Magligtas ka ngayon, isinasamo namin sa iyo, Oh Panginoon: Oh Panginoon, isinasamo namin sa iyo, magsugo ka ngayon ng kaginhawahan.
  • 26 Mapalad siya na dumarating sa pangalan ng Panginoon: aming pinuri kayo mula sa bahay ng Panginoon.
  • 27 Ang Panginoon ay Dios, at binigyan niya kami ng liwanag; talian ninyo ang hain ng mga panali, sa makatuwid baga'y sa mga tila sungay ng dambana.
  • 28 Ikaw ay aking Dios, at magpapasalamat ako sa iyo: ikaw ay aking Dios, aking ibubunyi ka.
  • 29 Oh mangagpasalamat kayo sa Panginoon, sapagka't siya'y mabuti: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.