Mga Awit 115
  • 1 Huwag sa amin, Oh Panginoon, huwag sa amin, kundi sa iyong pangalan ay magbigay kang karangalan, dahil sa iyong kagandahang-loob, at dahil sa iyong katotohanan.
  • 2 Bakit sasabihin ng mga bansa, Saan nandoon ngayon ang kanilang Dios?
  • 3 Nguni't ang aming Dios ay nasa mga langit: kaniyang ginagawa ang kaniyang ibigin.
  • 4 Ang kanilang mga diosdiosan ay pilak at ginto, yari ng mga kamay ng mga tao.
  • 5 Sila'y may mga bibig, nguni't sila'y hindi nangagsasalita; mga mata'y mayroon sila, nguni't hindi sila nangakakakita;
  • 6 Sila'y may mga tainga, nguni't hindi sila nangakakarinig; mga ilong ay mayroon sila, nguni't hindi sila nangakakaamoy;
  • 7 Mayroon silang mga kamay, nguni't hindi sila nangakatatangan; mga paa ay mayroon sila, nguni't hindi sila nangakalalakad; ni nangagsasalita man sila sa kanilang ngalangala.
  • 8 Ang nagsisigawa sa kanila ay magiging gaya nila; Oo, bawa't tumitiwala sa kanila.
  • 9 Oh Israel, tumiwala ka sa Panginoon: siya'y kanilang saklolo at kanilang kalasag.
  • 10 Oh sangbahayan ni Aaron, magsitiwala kayo sa Panginoon: siya'y kanilang saklolo at kanilang kalasag.
  • 11 Kayong nangatatakot sa Panginoon, magsitiwala kayo sa Panginoon; siya'y kanilang saklolo at kanilang kalasag.
  • 12 Inalaala tayo ng Panginoon; kaniyang pagpapalain tayo: kaniyang pagpapalain ang sangbahayan ni Israel, kaniyang pagpapalain ang sangbahayan ni Aaron.
  • 13 Kaniyang pagpapalain ang nangatatakot sa Panginoon, ang mababa at gayon ang mataas.
  • 14 Palalaguin kayo ng Panginoon ng higit at higit, kayo at ang inyong mga anak.
  • 15 Pinagpala kayo ng Panginoon, na gumawa ng langit at lupa.
  • 16 Ang mga langit ay mga langit ng Panginoon; nguni't ang lupa ay kaniyang ibinigay sa mga anak ng mga tao.
  • 17 Ang patay ay hindi pumupuri sa Panginoon, ni sinomang nabababa sa katahimikan;
  • 18 Nguni't aming pupurihin ang Panginoon mula sa panahong ito hanggang sa walang hanggan. Purihin ninyo ang Panginoon.