Mga Awit 33
Wikang Tagalog Ang Banal na Bibliya · 22 verses
- 1 Mangagalak kayo sa Panginoon, Oh kayong mga matuwid: pagpuri ay maganda sa ganang matuwid.
- 2 Kayo'y mangagpasalamat sa Panginoon na may alpa: magsiawit kayo ng mga pagpuri sa kaniya na may salterio na sangpung kuerdas.
- 3 Magsiawit kayo sa kaniya ng bagong awit; magsitugtog kayong matalino na may malaking ingay.
- 4 Sapagka't ang salita ng Panginoon ay matuwid; at lahat niyang gawa ay ginawa sa pagtatapat.
- 5 Iniibig niya ang katuwiran at kahatulan: ang lupa ay puno ng kagandahang-loob ng Panginoon.
- 6 Sa pamamagitan ng salita ng Panginoon ay nayari ang mga langit; at lahat ng natatanaw roon ay sa pamamagitan ng hinga ng kaniyang bibig.
- 7 Kaniyang pinipisan ang tubig ng dagat na parang isang bunton: inilalagay niya ang mga kalaliman sa mga kalawakan.
- 8 Matakot nawa ang buong lupa sa Panginoon: magsitayo nawang may takot ang lahat ng taga sanglibutan sa kaniya.
- 9 Sapagka't siya'y nagsalita, at nangyari; siya'y nagutos, at tumayong matatag.
- 10 Dinadala ng Panginoon sa wala ang payo ng mga bansa: kaniyang niwawalang halaga ang mga pagiisip ng mga bayan.
- 11 Ang payo ng Panginoon ay nanganayong matibay magpakailan man, ang mga pagiisip ng kaniyang puso sa lahat ng sali't saling lahi.
- 12 Mapalad ang bansa na ang Dios ay ang Panginoon; ang bayan na kaniyang pinili sa ganang kaniyang sariling mana.
- 13 Ang Panginoon ay tumitingin mula sa langit; kaniyang minamasdan ang lahat na anak ng mga tao;
- 14 Mula sa dakong kaniyang tahanan ay tumitingin siya sa lahat na nangananahan sa lupa;
- 15 Siyang naghuhugis ng mga puso nilang lahat, na nagmamasid sa lahat nilang mga gawa.
- 16 Walang hari na nakaliligtas sa pamamagitan ng karamihan ng hukbo: ang makapangyarihang tao ay hindi naliligtas sa pamamagitan ng malaking kalakasan.
- 17 Ang kabayo ay walang kabuluhang bagay sa pagliligtas: ni hindi niya iniligtas ang sinoman sa pamamagitan ng kaniyang malaking kalakasan;
- 18 Narito, ang mata ng Panginoon ay nasa kanila na nangatatakot sa kaniya, sa kanila na nagsisiasa sa kaniyang kagandahang-loob;
- 19 Upang iligtas ang kaniyang kaluluwa sa kamatayan, at upang ingatan silang buhay sa kagutom.
- 20 Hinintay ng aming kaluluwa ang Panginoon: siya'y aming saklolo at aming kalasag.
- 21 Sapagka't ang aming puso ay magagalak sa kaniya, sapagka't kami ay nagsitiwala sa kaniyang banal na pangalan.
- 22 Sumaamin nawa ang iyong kagandahang-loob, Oh Panginoon, ayon sa aming pagasa sa iyo.