Mga Awit 140
  • 1 Iligtas mo ako, Oh Panginoon, sa masamang tao; ingatan mo ako sa marahas na tao:
  • 2 Na nagaakala ng kasamaan sa kanilang puso: laging nagpipipisan sila sa pagdidigma.
  • 3 Kanilang inihasa ang kanilang dila na parang ahas; kamandag ng mga ahas ay nasa kanilang mga labi. (Selah)
  • 4 Ingatan mo ako, Oh Panginoon, sa mga kamay ng masama; ingatan mo ako sa marahas na tao: na nagakalang iligaw ang aking mga hakbang.
  • 5 Ipinagkubli ako ng palalo ng silo, at ng mga panali; kanilang ipinaglagay ako ng bating sa tabi ng daan; sila'y naglagay ng mga silo na ukol sa akin. (Selah)
  • 6 Aking sinabi sa Panginoon. Ikaw ay Dios ko: Pakinggan mo ang tinig ng aking mga dalangin, Oh Panginoon.
  • 7 Oh Dios na Panginoon, na kalakasan ng aking kaligtasan, iyong tinakpan ang ulo ko sa kaarawan ng pagbabaka.
  • 8 Huwag mong ipagkaloob, Oh Panginoon, ang mga nasa ng masama; huwag mong papangyarihin ang kaniyang masamang haka; baka sila'y mangagmalaki. (Selah)
  • 9 Tungkol sa ulo niyaong nagsisikubkob sa aking palibot, takpan sila ng kasamaan ng kanilang sariling mga labi.
  • 10 Mahulog sa kanila ang mga bagang nagniningas: mangahagis sila sa apoy; sa mga malalim na hukay, upang huwag na silang mangakabangon uli.
  • 11 Ang mapagsalita ng masama ay hindi matatatag sa lupa: huhulihin ng kasamaan ang marahas na lalake upang ibuwal siya.
  • 12 Nalalaman ko na aalalayan ng Panginoon ang usap ng nagdadalamhati, at ang matuwid ng mapagkailangan.
  • 13 Walang pagsalang ang matuwid ay magpapasalamat sa iyong pangalan: ang matuwid ay tatahan sa iyong harapan.