Mga Awit 119
  • 1 Mapalad silang sakdal sa lakad, na nagsisilakad sa kautusan ng Panginoon.
  • 2 Mapalad silang nangagiingat ng kaniyang mga patotoo, na nagsisihanap sa kaniya ng buong puso.
  • 3 Oo, silang hindi nagsisigawa ng kalikuan; sila'y nagsisilakad sa kaniyang mga daan.
  • 4 Iyong iniutos sa amin ang mga tuntunin mo, upang aming sunding masikap.
  • 5 Oh matatag nawa ang aking mga daan, upang sundin ang mga palatuntunan mo!
  • 6 Hindi nga ako mapapahiya, pagka ako'y nagkaroon ng galang sa inyong lahat na mga utos.
  • 7 Ako'y magpapasalamat sa iyo sa pamamagitan ng katuwiran ng puso, pagka aking natutuhan ang mga matuwid mong kahatulan.
  • 8 Aking tutuparin ang mga palatuntunan mo: Oh huwag mo akong pabayaang lubos.
  • 9 Sa paano lilinisin ng isang binata ang kaniyang daan? Sa pagdinig doon ayon sa iyong salita.
  • 10 Hinanap kita ng aking buong puso: Oh huwag nawa akong malihis sa iyong mga utos.
  • 11 Ang salita mo'y aking iningatan sa aking puso: upang huwag akong magkasala laban sa iyo.
  • 12 Mapalad ka, Oh Panginoon: ituro mo sa akin ang mga palatuntunan mo.
  • 13 Aking ipinahayag ng aking mga labi ang lahat ng mga kahatulan ng iyong bibig.
  • 14 Ako'y nagalak sa daan ng iyong mga patotoo, na gaya ng lahat na kayamanan.
  • 15 Ako'y magbubulay sa iyong mga tuntunin, at gagalang sa iyong mga daan.
  • 16 Ako'y magaaliw sa iyong mga palatuntunan: hindi ko kalilimutan ang iyong salita.
  • 17 Gawan ng mabuti ang iyong lingkod, upang ako'y mabuhay; sa gayo'y aking susundin ang iyong salita.
  • 18 Idilat mo ang aking mga mata, upang ako'y makakita ng kagilagilalas na mga bagay sa iyong kautusan.
  • 19 Ako'y nakikipamayan sa lupa: huwag mong ikubli ang mga utos mo sa akin.
  • 20 Ang puso ko'y nadudurog sa pananabik na tinatamo sa iyong mga kahatulan sa lahat ng panahon.
  • 21 Iyong sinaway ang mga palalong sinumpa, na nagsisihiwalay sa iyong mga utos.
  • 22 Alisin mo sa akin ang kadustaan at kakutyaan; sapagka't iningatan ko ang iyong mga patotoo.
  • 23 Mga pangulo naman ay nagsiupo, at naguusap ng laban sa akin; nguni't ang lingkod mo'y nagbulay sa iyong mga palatuntunan.
  • 24 Ang mga patotoo mo naman ay aking mga kaluguran at aking mga tagapayo.
  • 25 Ang kaluluwa ko'y dumidikit sa alabok: buhayin mo ako ayon sa iyong salita.
  • 26 Aking ipinahayag ang mga lakad ko, at ikaw ay sumagot sa akin: ituro mo sa akin ang mga palatuntunan mo.
  • 27 Ipaunawa mo sa akin ang daan ng iyong mga tuntunin: sa gayo'y aking bubulayin ang iyong kagilagilalas na mga gawa.
  • 28 Ang kaluluwa ko'y natutunaw sa kabigatan ng loob: iyong palakasin ako ayon sa iyong salita.
  • 29 Ilayo mo sa akin ang daan ng kasinungalingan: at ipagkaloob mo sa aking may pagbibiyaya ang iyong kautusan.
  • 30 Aking pinili ang daan ng pagtatapat: ang mga kahatulan mo'y inilagay ko sa harap ko.
  • 31 Ako'y kumapit sa iyong mga patotoo: Oh Panginoon, huwag mo akong ilagay sa kahihiyan.
  • 32 Aking tatakbuhan ang daan ng iyong mga utos, pagka iyong pinalaki ang aking puso.
  • 33 Ituro mo sa akin, Oh Panginoon, ang daan ng iyong mga palatuntunan; at aking iingatan hanggang sa wakas.
  • 34 Bigyan mo ako ng pagkaunawa at aking iingatan ang iyong kautusan; Oo, aking susundin ng aking buong puso.
  • 35 Payaunin mo ako sa landas ng iyong mga utos; sapagka't siya kong kinaaliwan.
  • 36 Ikiling mo ang aking puso sa iyong mga patotoo, at huwag sa kasakiman.
  • 37 Alisin mo ang aking mga mata sa pagtingin ng walang kabuluhan. At buhayin mo ako sa iyong mga daan.
  • 38 Papagtibayin mo ang iyong salita sa iyong lingkod, na ukol sa takot sa iyo.
  • 39 Alisin mo ang aking kadustaan na aking kinatatakutan: sapagka't ang mga kahatulan mo'y mabuti.
  • 40 Narito, ako'y nanabik sa iyong mga tuntunin; buhayin mo ako sa iyong katuwiran.
  • 41 Padatingin mo rin sa akin ang iyong mga kagandahang-loob, Oh Panginoon, sa makatuwid baga'y ang iyong kaligtasan, ayon sa iyong salita.
  • 42 Sa gayo'y magkakaroon ako ng kasagutan sa kaniya na dumuduwahagi sa akin; sapagka't ako'y tumitiwala sa iyong salita.
  • 43 At huwag mong lubos na kunin ang salita ng katotohanan sa aking bibig; sapagka't ako'y umasa sa iyong mga kahatulan.
  • 44 Gayon ko susundin ang iyong kautusan na palagi magpakailan-kailan pa man.
  • 45 At lalakad ako sa kalayaan; sapagka't aking hinanap ang iyong mga tuntunin.
  • 46 Ako nama'y magsasalita ng iyong mga patotoo sa harap ng mga hari, at hindi ako mapapahiya.
  • 47 At ako'y maaaliw sa iyong mga utos, na aking iniibig.
  • 48 Akin namang itataas ang aking mga kamay sa iyong mga utos, na aking inibig; at ako'y magbubulay sa iyong mga palatuntunan.
  • 49 Iyong alalahanin ang salita sa iyong lingkod, na doo'y iyong pinaasa ako.
  • 50 Ito'y aking kaaliwan sa aking pagkapighati: sapagka't binuhay ako ng iyong salita.
  • 51 Ang palalo ay dumuwahaging mainam sa akin: gayon ma'y hindi ako hihiwalay sa iyong kautusan.
  • 52 Aking inalaala ang mga kahatulan mo ng una, Oh Panginoon, at ako'y nagaliw sa sarili.
  • 53 Maalab na galit ang humawak sa akin, dahil sa masama na nagpabaya ng iyong kautusan.
  • 54 Ang iyong mga palatuntunan ay naging aking mga awit sa bahay ng aking pangingibang bayan.
  • 55 Aking inalaala sa gabi ang pangalan mo, Oh Panginoon, at sinunod ko ang iyong kautusan.
  • 56 Ito ang tinamo ko, sapagka't aking iningatan ang mga tuntunin mo.
  • 57 Ang Panginoon ay aking bahagi: aking sinabi na aking tutuparin ang iyong mga salita.
  • 58 Aking hiniling ang iyong biyaya ng aking buong puso: magmahabagin ka sa akin ayon sa iyong salita.
  • 59 Ako'y nagiisip sa aking mga lakad, at ibinalik ko ang aking mga paa sa iyong mga patotoo.
  • 60 Ako'y nagmadali, at hindi ako nagmakupad, na sundin ang iyong mga utos.
  • 61 Pinuluputan ako ng mga panali ng masama; nguni't hindi ko nilimot ang iyong kautusan.
  • 62 Sa hating gabi ay babangon ako upang magpasalamat sa iyo, dahil sa iyong mga matuwid na kahatulan.
  • 63 Ako'y kasama ng lahat na nangatatakot sa iyo, at ng nagsisitupad ng iyong mga tuntunin.
  • 64 Ang lupa, Oh Panginoon, ay puno ng iyong kagandahang-loob: ituro mo sa akin ang iyong mga palatuntunan.
  • 65 Ginawan mo ng mabuti ang iyong lingkod, Oh Panginoon, ayon sa iyong salita.
  • 66 Turuan mo ako ng mabuting kahatulan at kaalaman; sapagka't ako'y sumampalataya sa iyong mga utos.
  • 67 Bago ako nagdalamhati ay naligaw ako; nguni't ngayo'y tinutupad ko ang iyong salita.
  • 68 Ikaw ay mabuti, at gumagawa ng mabuti; ituro mo sa akin ang iyong mga palatuntunan.
  • 69 Ang palalo ay kumatha ng kabulaanan laban sa akin: aking tutuparin ang iyong mga tuntunin ng buong puso ko.
  • 70 Ang puso nila ay matabang gaya ng sebo; nguni't ako'y naaaliw sa iyong kautusan.
  • 71 Mabuti sa akin na ako'y napighati; upang aking matutuhan ang mga palatuntunan mo.
  • 72 Ang kautusan ng iyong bibig ay lalong mabuti sa akin kay sa libong ginto at pilak.
  • 73 Ginawa ako at inanyuan ako ng iyong mga kamay: bigyan mo ako ng unawa, upang matutuhan ko ang iyong mga utos.
  • 74 Silang nangatatakot sa iyo ay makikita ako, at matutuwa; sapagka't ako'y umasa sa iyong salita;
  • 75 Talastas ko, Oh Panginoon na ang mga kahatulan mo ay matuwid, at sa pagtatapat, iyo akong dinalamhati.
  • 76 Isinasamo ko sa iyo na maging kaaliwan ko ang iyong kagandahang-loob, ayon sa iyong salita sa iyong lingkod.
  • 77 Dumating nawa sa akin ang iyong malumanay na kaawaan upang ako'y mabuhay: sapagka't ang kautusan mo'y aking kaaliwan.
  • 78 Mahiya ang palalo; sapagka't dinaig nila ako ng walang kadahilanan: nguni't ako'y magbubulay sa iyong mga tuntunin.
  • 79 Bumalik nawa sa akin yaong nangatatakot sa iyo, at silang nangakakakilala ng iyong mga patotoo.
  • 80 Maging sakdal nawa ang aking puso sa iyong mga palatuntunan; upang huwag akong mapahiya.
  • 81 Pinanglulupaypayan ng aking kaluluwa ang iyong pagliligtas: nguni't umaasa ako sa iyong salita.
  • 82 Pinangangalumatahan ng aking mga mata ang iyong salita, samantalang aking sinasabi, Kailan mo ako aaliwin?
  • 83 Sapagka't ako'y naging parang balat na lalagyan ng alak sa usok; gayon ma'y hindi ko kinalilimutan ang iyong mga palatuntunan.
  • 84 Gaano karami ang mga kaarawan ng iyong lingkod? Kailan ka gagawa ng kahatulan sa kanila na nagsisiusig sa akin?
  • 85 Inihukay ako ng palalo ng mga lungaw na hindi mga ayon sa iyong kautusan.
  • 86 Lahat mong mga utos ay tapat. Kanilang inuusig ako na may kamalian; tulungan mo ako.
  • 87 Kanilang tinunaw ako halos sa ibabaw ng lupa; nguni't hindi ko pinabayaan ang mga tuntunin mo.
  • 88 Buhayin mo ako ayon sa iyong kagandahang-loob; sa gayo'y aking iingatan ang patotoo ng iyong bibig.
  • 89 Magpakailan man, Oh Panginoon, ang iyong salita ay natatag sa langit.
  • 90 Ang iyong pagtatapat ay sa lahat ng sali't saling lahi: iyong itinatag ang lupa, at lumalagi.
  • 91 Namamalagi sa araw na ito ayon sa iyong mga alituntunin; sapagka't lahat ng bagay ay mga lingkod mo.
  • 92 Kundi ang kautusan mo'y naging aking kaaliwan, namatay nga sana ako sa aking kadalamhatian.
  • 93 Hindi ko kalilimutan kailan man ang mga tuntunin mo; sapagka't sa pamamagitan ng mga yaon ay binuhay mo ako.
  • 94 Ako'y iyo, iligtas mo ako, sapagka't aking hinanap ang mga tuntunin mo,
  • 95 Inabatan ako ng masama upang ako'y patayin; nguni't aking gugunitain ang iyong mga patotoo.
  • 96 Aking nakita ang wakas ng buong kasakdalan; nguni't ang utos mo'y totoong malawak.
  • 97 Oh gaanong iniibig ko ang iyong kautusan! Siya kong gunita buong araw.
  • 98 Pinarunong ako kay sa aking mga kaaway ng iyong mga utos; sapagka't mga laging sumasa akin.
  • 99 Ako'y may higit na unawa kay sa lahat ng tagapagturo sa akin; sapagka't ang iyong mga patotoo ay gunita ko.
  • 100 Ako'y nakakaunawa na higit kay sa may katandaan, sapagka't aking iningatan ang mga tuntunin mo.
  • 101 Aking pinigil ang mga paa ko sa lahat ng masamang lakad, upang aking masunod ang salita mo.
  • 102 Ako'y hindi lumihis sa iyong mga kahatulan; sapagka't iyong tinuruan ako.
  • 103 Pagkatamis ng iyong mga salita sa aking lasa! Oo, matamis kay sa pulot sa aking bibig!
  • 104 Sa iyong mga tuntunin ay nagkakamit ako ng unawa: kaya't aking ipinagtatanim ang bawa't lakad na sinungaling.
  • 105 Ang salita mo'y ilawan sa aking mga paa, at liwanag sa aking landas.
  • 106 Ako'y sumumpa, at pinagtibay ko, na aking tutuparin ang mga matuwid mong kahatulan.
  • 107 Ako'y nagdadalamhating mainam: buhayin mo ako, Oh Panginoon, ayon sa iyong salita.
  • 108 Tanggapin mo, isinasamo ko sa iyo, ang mga kusang handog ng aking bibig, Oh Panginoon, at ituro mo sa akin ang mga kahatulan mo.
  • 109 Ang kaluluwa ko'y laging nasa aking kamay; gayon ma'y hindi ko kinalilimutan ang kautusan mo.
  • 110 Ipinaglagay ako ng silo ng masama; gayon ma'y hindi ako lumihis sa iyong mga tuntunin.
  • 111 Ang mga patotoo mo'y inari kong pinakamana magpakailanman; sapagka't sila ang kagalakan ng aking puso.
  • 112 Ikiniling ko ang puso ko na ganapin ang mga palatuntunan mo, magpakailan man, sa makatuwid baga'y hanggang sa wakas.
  • 113 Ipinagtatanim ko sila na may salawahang pagiisip; nguni't ang iyong kautusan ay iniibig ko.
  • 114 Ikaw ang kublihan kong dako at kalasag ko: ako'y umaasa sa iyong salita.
  • 115 Magsihiwalay kayo sa akin, kayong mga manggagawa ng kasamaan; upang aking maingatan ang mga utos ng aking Dios.
  • 116 Alalayan mo ako ayon sa iyong salita, upang ako'y mabuhay; at huwag mo akong hiyain sa aking pagasa.
  • 117 Alalayan mo ako, at ako'y maliligtas, at magkakaroon ako ng laging pitagan sa iyong mga palatuntunan.
  • 118 Inilagay mo sa wala silang lahat na naliligaw sa iyong mga palatuntunan; sapagka't ang kanilang pagdaraya ay kasinungalingan.
  • 119 Inaalis mo ang lahat ng masama sa lupa na gaya ng taing bakal; kaya't iniibig ko ang mga patotoo mo.
  • 120 Ang laman ko'y nanginginig dahil sa takot sa iyo; at ako'y takot sa iyong mga kahatulan.
  • 121 Ako'y gumawa ng kahatulan at kaganapan: huwag mo akong iwan sa mga mangaapi sa akin.
  • 122 Maging tagapatnugot ka ng iyong lingkod sa ikabubuti: huwag mong ipapighati ako sa palalo.
  • 123 Pinangangalumatahan ng aking mga mata ang iyong pagliligtas, at ang iyong matuwid na salita.
  • 124 Gawan mo ang lingkod mo ng ayon sa iyong kagandahang-loob, at ituro mo sa akin ang mga palatuntunan mo.
  • 125 Ako'y lingkod mo; bigyan mo ako ng unawa; upang aking maalaman ang mga patotoo mo,
  • 126 Kapanahunan sa Panginoon na gumawa; sapagka't kanilang niwalang kabuluhan ang kautusan mo.
  • 127 Kaya't aking iniibig ang mga utos mo ng higit sa ginto, oo, higit sa dalisay na ginto.
  • 128 Kaya't aking pinahahalagahan na matuwid ang lahat mong mga tuntunin tungkol sa lahat ng mga bagay; at ipinagtatanim ko ang bawa't sinungaling na lakad.
  • 129 Ang mga patotoo mo'y kagilagilalas; kayat sila'y iniingatan ng aking kaluluwa.
  • 130 Ang bukas ng iyong mga salita ay nagbibigay ng liwanag; nagbibigay ng unawa sa walang muwang.
  • 131 Aking binuka ng maluwang ang bibig ko, at ako'y nagbuntong-hininga; sapagka't aking pinanabikan ang mga utos mo.
  • 132 Manumbalik ka sa akin, at maawa ka sa akin, gaya ng iyong kinauugaliang gawin sa nagsisiibig ng iyong pangalan.
  • 133 Itatag mo ang mga hakbang ko sa iyong salita; at huwag magkaroon ng kapangyarihan sa akin ang anomang kasamaan.
  • 134 Tubusin mo ako sa pagpighati ng tao: sa gayo'y aking tutuparin ang mga tuntunin mo.
  • 135 Pasilangin mo ang mukha mo sa iyong lingkod; at ituro mo sa akin ang mga palatuntunan mo.
  • 136 Ang mga mata ko'y nagsisiagos ng mga ilog ng tubig; sapagka't hindi nila tinutupad ang kautusan mo.
  • 137 Matuwid ka, Oh Panginoon, at matuwid ang mga kahatulan mo.
  • 138 Iniutos mo ang mga patotoo mo sa katuwiran at totoong may pagtatapat.
  • 139 Tinunaw ako ng aking sikap, sapagka't kinalimutan ng aking mga kaaway ang mga salita mo.
  • 140 Ang salita mo'y totoong malinis; kaya't iniibig ito ng iyong lingkod.
  • 141 Ako'y maliit at hinahamak: gayon ma'y hindi ko kinalilimutan ang mga tuntunin mo.
  • 142 Ang katuwiran mo ay walang hanggang katuwiran, at ang kautusan mo'y katotohanan.
  • 143 Kabagabagan at kahirapan ay humawak sa akin: gayon ma'y ang mga utos mo'y aking kaaliwan.
  • 144 Ang mga patotoo mo'y matuwid magpakailan man: bigyan mo ako ng unawa at mabubuhay ako.
  • 145 Ako'y tumawag ng aking buong puso; sagutin mo ako, Oh Panginoon: iingatan ko ang iyong mga palatuntunan.
  • 146 Ako'y tumawag sa iyo; iligtas mo ako, at aking tutuparin ang mga patotoo mo.
  • 147 Ako'y nagpauna sa bukang-liwayway ng umaga, at dumaing ako: ako'y umasa sa iyong mga salita.
  • 148 Ang mga mata ko'y nanguna sa mga pagpupuyat sa gabi, upang aking magunita ang salita mo.
  • 149 Dinggin mo ang tinig ko ayon sa iyong kagandahang-loob: buhayin mo ako, Oh Panginoon, ayon sa iyong mga kahatulan.
  • 150 Silang nagsisisunod sa kasamaan ay nagsisilapit; sila'y malayo sa iyong kautusan.
  • 151 Ikaw ay malapit, Oh Panginoon; at lahat mong utos ay katotohanan.
  • 152 Nang una'y nakaunawa ako sa iyong mga patotoo, na iyong pinamalagi magpakailan man.
  • 153 Pakundanganan mo ang aking kadalamhatian at iligtas mo ako; sapagka't hindi ko kinalilimutan ang iyong kautusan.
  • 154 Ipaglaban mo ang aking usap, at iligtas mo ako: buhayin mo ako ayon sa iyong salita.
  • 155 Kaligtasan ay malayo sa masama; sapagka't hindi nila hinahanap ang mga palatuntunan mo.
  • 156 Dakila ang mga malumanay mong kaawaan, Oh Panginoon: buhayin mo ako ayon sa iyong mga kahatulan.
  • 157 Marami ang mga manguusig sa akin at mga kaaway ko; gayon ma'y hindi ako humiwalay sa iyong mga patotoo.
  • 158 Aking namasdan ang mga magdarayang manggagawa at ako'y namanglaw; sapagka't hindi nila sinusunod ang salita mo.
  • 159 Dilidilihin mo kung gaano iniibig ko ang mga utos mo: buhayin mo ako, Oh Panginoon, ayon sa iyong kagandahang-loob.
  • 160 Ang kabuoan ng iyong salita ay katotohanan; at bawa't isa ng iyong matutuwid na kahatulan ay magpakailan man.
  • 161 Inusig ako ng mga pangulo ng walang kadahilanan; nguni't ang puso ko'y nanginginig sa iyong mga salita.
  • 162 Ako'y nagagalak sa iyong salita, na parang nakakasumpong ng malaking samsam.
  • 163 Aking pinagtataniman at kinasusuklaman ang pagsisinungaling; nguni't ang kautusan mo'y aking iniibig.
  • 164 Makapito sa isang araw na pumupuri ako sa iyo, dahil sa iyong matutuwid na kahatulan.
  • 165 Dakilang kapayapaan ang tinatamo nila na nagsisiibig ng iyong kautusan. At sila'y walang kadahilanang ikatitisod.
  • 166 Ako'y umasa sa iyong pagliligtas, Oh Panginoon. At ginawa ko ang mga utos mo.
  • 167 Sinunod ng aking kaluluwa ang mga patotoo mo; at iniibig kong mainam,
  • 168 Aking tinupad ang iyong mga tuntunin at ang iyong mga patotoo; sapagka't lahat ng aking lakad ay nasa harap mo.
  • 169 Dumating nawa sa harap mo ang aking daing, Oh Panginoon: bigyan mo ako ng unawa ayon sa iyong salita.
  • 170 Dumating nawa sa harap mo ang aking pamanhik: iligtas mo ako ayon sa iyong salita.
  • 171 Tulutang magbadya ng pagpuri ang aking mga labi; sapagka't itinuturo mo sa akin ang iyong mga palatuntunan.
  • 172 Awitin ng aking dila ang iyong salita; sapagka't lahat ng mga utos mo ay katuwiran.
  • 173 Magsihanda nawa ang iyong kamay na tulungan ako; sapagka't aking pinili ang iyong mga tuntunin.
  • 174 Aking pinanabikan ang iyong pagliligtas, Oh Panginoon: at ang iyong kautusan ay aking kaaliwan.
  • 175 Mabuhay nawa ang aking kaluluwa, at pupuri sa iyo; at tulungan nawa ako ng iyong mga kahatulan.
  • 176 Ako'y naligaw na parang tupang nawala; hanapin mo ang iyong lingkod; sapagka't hindi ko kinalilimutan ang iyong mga utos.