Mga Awit 120
Wikang Tagalog Ang Banal na Bibliya · 7 verses
- 1 Sa aking kahirapan ay dumaing ako sa Panginoon, at sinagot niya ako.
- 2 Iligtas mo ang aking kaluluwa, Oh Panginoon, sa mga sinungaling na labi, at mula sa magdarayang dila.
- 3 Anong maibibigay sa iyo, at anong magagawa pa sa iyo, ikaw na magdarayang dila?
- 4 Mga hasang pana ng makapangyarihan, at mga baga ng enebro.
- 5 Sa aba ko, na nakikipamayan sa Mesech, na tumatahan ako sa mga tolda sa Kedar!
- 6 Malaon ng tinatahanan ng aking kaluluwa na kasama niyang nagtatanim sa kapayapaan.
- 7 Ako'y sa kapayapaan: nguni't pagka ako'y nagsasalita, sila'y sa pakikidigma.